May Isang Pangit(35)

“HINARAP daw ni Mulong ang tatlong lalaki na nakabuntot sa kanya. Hinugot niya ang itak sa kaluban. Patay kung patay na! Wala na rin naman daw halaga ang buhay niya, kaya mabuti pang mamatay na rin kasama ni Janice.

“Hindi na niya hi­nintay pa ang tatlong lalaki, sinugod niya ng taga. Nataga niya ang isa sa braso. Pero bago niya naulit ang taga, binaril siya. Hindi niya alam kung saan siya tinamaan. Wala kasi siyang naramdamang sakit. Wala ring dugo. Basta nagdilim ang paningin niya. Wala na siyang maalala. Para siyang kandilang naupos.

“Sa ospital na raw siya nagkamalay. Mahapdi ang sugat niya sa kaliwang dibdib. Naram­daman daw niya ang pananakit ng kanyang buong katawan. Puro pasa ang braso niya. Nangingitim.

“Ang kanyang kapatid na babae na nakaupo sa isang plastic na silya ang nakabantay sa kanya. Ikinuwento sa kanya ang nangyari. Natagpuan daw siya sa ilog. Halos hindi na humihinga dahil sa dami ng dugo na nawala. Ang nakakita sa kanya ay isang babaing naglalaba sa ilog. Ito ang tumawag ng makakatulong para siya madala sa ospital. Sabi raw ng doktor himala ang pagkakaligtas niya dahil ang bala na tumama sa kanya ay hindi umabot sa kanyang puso. Kung naabot daw ang puso, patay na siya ngayon.

“Payo ng kapatid niya, tigilan na ang pag­hihiganti sa pulitiko. Ang isipin na lang daw ay ang dalawang anak. Mas kawawa raw ang mga ito kapag siya naman ang namatay. Ipagpasa-diyos na lang ang lahat. Magkakaroon din daw ng katapusan ang kasamaan.

“Sa sinabi raw ng kapatid niya ay nagliwanag ang isipan niya. Ipagpapasa-diyos na nga lang niya ang lahat. Bahala na ang Diyos sa taong umapi nang labis sa   kanya. Inasikaso na lang daw niya ang mga anak at ang pagtatrabaho sa bukid.

‘‘Lumipas daw ang isang taon at pumutok ang balita na isang kilalang pulitiko ang inambus at napatay ng NPA. Ganoon na lamang ang tuwa ni Mulong nang malaman kung sino ang napatay na pulitiko. Nakaganti na siya…”

(Itutuloy)

Show comments