May isang Pangit (12)

“WALA na akong ba-lita sa barangay captain na ama ni Estrella. Pero kinalimutan ko na ang ginawa niyang pagpapabugbog sa akin. Pinatawad ko na siya sa mga ginawa niya sa akin. Mahirap din pala kasi ang may dinadala sa dibdib,’’ sabi ni Tiburcio kay Tiya Encar.

“Tama ka diyan, Tibur. Kaya nga ang payo ko kay Tiyo Iluminado mo ay huwag mag-iipon ng galit at baka magkasakit siya sa puso. Kapag kaunting deperensiya huwag nang pansinin. Mahirap kapag siya ang nawala. Nag-aaral pa naman si Torn.’’

“Nasaan nga ba si Tiyo Iluminado? Marami na akong naikuwento sa inyo ni Torn ay wala pa rin siya.”

“Darating na ‘yun. Siguro’y maraming pasahero kaya sinasamantala. Nag-iipon nga kasi ng pangtuition ni Torn kaya walang tigil sa pagpasada sa multicab.”

“Kaya sabihin mo sa kanya Tiya Encar, huwag na siyang mag-alala at ako na ang magpapaaral dito kay Tornado hanggang sa makatapos ng engineering. Kapag nakatapos at nakapasa siya sa board ay madali siyang makakapasok sa trabaho. O kung gusto niya ay mag-aplay siya sa Australia at tutulungan ko siya. Maganda sa Australia. Magaan ang buhay at malaki ang sahod. Pag naroon na siya, puwede na kayong pumunta roon ni Tiyo Iluminado. Ang senior citizen doon ay may pension…”

“Pero gusto yata ni Torn ay mag-Saudi.”

Tiningnan ni Tiburcio si Torn.

“Gusto mo sa Sau­di, Tornado?”

Tumango si Torn.

“Susubukan lang, Kuya Tiburcio.”

(Itutuloy)

Show comments