May Isang Pangit (Simula)
NAGBABASA ng libro si Torn nang may marinig siyang tawag mula sa labas ng bahay.
“Tiya Encar! Tiya Encar!”
Tumayo si Torn. Tinungo ang bintana at sinilip kung sino ang tumatawag. Kilala kaagad niya kung sino. Si Kuya Tiburcio niya! Paano niya malilimutan ang mukhang iyon?
Dali-daling tinungo ni Torn ang pintuan. Binuksan ang pinto.
“Kuya Tiburcio!” Sigaw niya.
“Tornado!” Sagot ni Tiburcio.
“Halika Kuya!”
Niyakap niya si Tiburcio. Mabango si Tiburcio. Halatang imported ang pabango. Tinapik-tapik siya ni Tiburcio. Pumasok sila sa loob.
“Kilala mo pa ako, Tornado?”
“Oo naman Kuya.”
“Ang tangkad mo Tornado at saka guwapo.”
“Tumangkad din kahit na sinugno ang kinakain.”
Nagtawa si Tiburcio.
“Masarap naman ang sinugno. Di ba yan din ang kinakain ko rito noon.”
“Pero ngayon siguradong steak na ang nilalapang mo, Kuya.”
“Oo. Nakakaumay din ang steak. Maanggo pa.”
Tinapik-tapik ni Tiburcio si Torn.
“Kumusta ba kayo rito?”
“Okey naman Kuya. Ilang taon ka ring nawala ano?”
“Mga sampu siguro.”
“Oo nga. Nasa elementary pa ako.”
“Oo. Sipunin ka pa noon at saka pangit ka. E ngayon guwapung-guwapo ka na. Marami ka na sigurong nadagit na chicks ano?”
“Wala Kuya. Pag-aaral munang inaatupag ko.”
“Mabait na bata. Mana sa akin. Pero hindi ang mukha.”
Nagtawa ito pagkatapos.
“Maupo ka Kuya.”
Naupo si Tiburcio.
“Nasaan si Tiya Encar at si Tiyo Iluminado?”
“Nasa palengke si Inay, Kuya. Si Tatay ay nagmamaneho ng cab. Nag-aaral kasi ako nang umalis sila. May exam kasi bukas kaya nasa kuwarto ako at nag-aaral.”
“Ano bang year mo na, Tornado?”
“Fourth year na ako Kuya Tiburcio.”
“Isang taon na lang pala at tapos ka na. Sige mag-aral kang mabuti. Para maganda ang kinabukasan mo. Masuwerte ka rin at may itsura ka. Pero alam mo, kung hindi ako naging pangit, siguro ay hindi ako matsa-challenge sa buhay. Buti na lang at naging pangit ako. Dahil sa kapangitan ko, narating ko ang mga pinapangarap. Dahil may pera na ako, ang tingin sa akin ay guwapo na rin.”
“Hindi ka naman pangit, Kuya Tiburcio.”
“Hindi na nga ngayon dahil mayaman na ako.”
(Itutuloy)
- Latest
- Trending