Thelma (169)
“MATALINO talaga ang anak mo, Thelma. Mas maganda raw kung dito na lang ako sa probinsiya para may kasama kayo ni Rovert. Nasabi ko kasi na balak ko nang tumigil sa pagtuturo. Tinanong ko naman kung kaya na niyang mag-isa habang nag-aaral sa Maynila. Kaya na raw niya. Next year daw ay tiyak na nasa Law school na siya. Huwag daw akong mag-alala sa kanya dahil kaya na niyang pangalagaan ang sarili.”
Napabuntunghininga si Thelma.
“Sige, ikaw ang bahala, Trevor. Alam ko, mahusay kang magplano. Lahat ng plano mo ay maganda ang resulta.”
“Napapagod na ako sa pagtuturo at isa pa nga gusto ko naman ay magkasama na tayo lagi, Thelma. Tutulungan kita sa negosyo mo. Ako na ang bubuhat ng mga paninda at kung anu-ano pa.”
“Parang kaya mo pang magbuhat.”
“Kaya ko pa naman. Malakas pa naman ako.”
Nagtawa si Thelma.
“Joke lang.”
“Habang tumatagal kasi e lalo kang napapamahal sa akin, Thelma.”
“Ano yan totoo o bola?”
“Totoo. Gusto kong maibuhos ang panahon sa iyo at sa anak nating si Rovert. Gusto ko masubaybayan ang paglaki ni Rovert.”
Nakatingin si Thelma kay Trevor. Nasa isip niya, hindi lang si Rovert kundi pati si Trevor ay dapat ding mabigyan ng sapat na atensiyon dahil ito man ay anak niya. Kung alam lang ni Trevor na si Trev ay bunga ng kanilang pagkakasala noong isang madaling araw maraming taon na ang nakararaan.
MULA noon, ang negosyo ang inasikaso ng mag-asawang Thelma at Trevor.
At hindi maipaliwanag ni Thelma ang suwerte na sunud-sunod na dumating sa kanilang buhay. Lalong lumakas ang tindahan ng motorcycle spare parts. Ang tindahan ng damit ay lalo pang naging mabenta.
“May nunal ka ba sa dibdib, Trevor?”
Takang-taka si Trevor sa tanong ni Thelma.
(Itutuloy)
- Latest
- Trending