MAGPAPAKIPOT muna siya kay Trevor para maging kapani-paniwala na hindi talaga sila magkakilala. Titingnan niya kung ano ang gagawin ng anak na si Trev para matulungan ang propesor. Halata ni Thelma na pinupuwersa siya ni Trev na tanggapin na si Trevor. Minamadali siya. Ganun kalapit ang dalawa. Para bang pag-iibigan ay iglap at maaari agad magkaunawaan. Sabagay, ganun naman ang naramdaman niya kay Trevor noon, yun nga lang mas nangibabaw ang pagkagusto niyang magtalik sila. Kasi nga’y hindi siya nasisiyahan sa ginagawa ni Delmo. Naghahanap siya. Natagpuan niya iyon kay Trevor at nagkaroon nga ng bunga — si Trev.
Kinabukasan, sa harap ng pagkain ay may sinabi si Trev sa ina. Iyong ang pasya ni Trevor. Tahimik na kumakain si Trevor.
“’Ma, kahit daw ilang beses kang nabiyuda, wala raw epekto kay Sir Trevor.”
Itinaas ni Thelma ang ulo. Binitiwan ang kutsara at tinidor. Tumingin kay Trev. At pagkatapos ay kay Trevor na dahan-dahang kumakain.
“Hindi siya natatakot mamatay?”
“Hindi raw ‘Ma.”
Napaismid kunwari si Thelma. Tiningnan si Trevor. Nagkatinginan sila. Pero binawi ni Trevor ang tingin.
“Bakit hindi siya ang ha-yaan mong magsalita, Trev?”
“Mahiyain kasi si Sir.”
“Hindi ako naniniwala.”
Binalingan ni Trev si Sir Trevor.
“Sir, ikaw na nga ang mag sabi kay Mama. Mahirap kung ako ang magpapaliwanag. Ngayon na parang nagkakaintindihan na kayo. Kasi kung ako, e hindi maunawaan ni Mama.”
“Siguro pagkatapos na-ting kumain saka kami mag-uusap ng mama mo Trev. Gusto ko magkasarilinan kami,” sabi ni Trevor.
“Okey, Sir!” Natutuwang sagot ni Trev. “O ayan ‘Ma. Mag-uusap na kayo. Siguro maganda na ang resulta niyan.”
Hindi nagsalita si Thelma.
Matapos kumain, nagkasarilinan sina Thelma at Trevor. (Itutuloy)