Thelma (151)

NAGPATULOY si Trev sa pagkukuwento ukol kay Trevor na noon ay kasalukuyang nasa banyo.

“Kasi kaya raw siya naging matandang binata ay dahil sa masakit na nangyari sa babaing minahal niya noon. Pinatay daw ang babaing minahal niya kaya para siyang tinamad nang umibig.”

“Teka parang naikuwento mo na sa akin ‘yan, Trev.”

“Naikuwento? Ngayon ko lang ito nasabi Ma.”

Nag-isip si Thelma. Si Trev ba o mismong si Trev ang nagkuwento sa kanya? Hindi niya maalala. Hindi na lang siya kumibo at baka mahalata pa. Baka maghinala lang si Trev na dati na silang magkakilala ni Trevor Buenviaje.

“Tinamad na raw siyang umibig mula nang mangyari ang pagkakapatay sa kanyang minahal na babae. At sabi niya ay nga­yon lamang daw siya nagkakaroon ng interes sa babae. Imagine Ma, pagkaraan ng ilang taon ay ngayon lang siya uli iibig. Di ba nagpapakita iyon na tapat siyang umibig at magmahal. Kaya alam mo Ma, napakasuwerte ng babaing minamahal niya…”

Kunwari ay walang interes si Thelma sa sinasabi ni Trev, pero sa kalooban niya ay kinikilig siya sapagkat alam niyang siya ang tinutukoy na babae. At ngayon pa lamang ay nagkakatotoo na ang sinabi ni Trevor na mismong si Trev ang gagawa ng paraan para sila magkaligawan at mabuo ang pamilya.

“Alam mo Ma kung sino ang babae?”

“E sino naman?”

Pero hindi na nakasagot si Trev sapagkat lumabas ng banyo si Trevor. Lumayo naman si Thelma at kunwari ay may naiwanan na niluluto sa kusina.

Habang nasa kusina ay napapangiti siya. Si Trev na ang gumagawa ng paraan para magkaligawan sila ni Trevor. Si Trev ang ginagawang tulay. Napaka-husay talaga ni Trevor Buenviaje. Lahat nang sinabi ay nagkatotoo.

Napangiti uli si Thelma. May binabalak siya. Hindi agad niya kunwari sasagutin si Trevor. Magpapakipot muna siya. Mas nakakakilig kung medyo patatagalin ang ligawan.

(Itutuloy)

Show comments