Thelma (135)
ANG galing ng ginawang plano ni Trevor Buenviaje kung paano mapapalapit kay Trev. Natural na natural. Walang mahahalata. Ngayon ay siya pa rin ang gumagawa ng paraan para malayang makapunta sa tirahan nina Thelma. Napakahusay tumaktika ng taong ito. At ang payo pa nito kay Thelma, relaks lang. Ipagkatiwala raw sa kanya ang lahat na may kinalaman kay Trev. Siya ang bahala.
“So puwede palang pumunta ako rito sa inyo gabi-gabi ano, Trev? Sabi ng mommy mo e ginagabi ka kapag sa bahay pumupunta e di mas mabuti dito na lang tayo magkuwentuhan.”
“Oo Sir Trevor. Sabi ko sa’yo mabait ang mommy ko.’’
“Naniniwala na ako. At totoo rin pala na maganda ang mommy mo at bata pa siya. I mean, parang dalaga pa…”
Gustong magtawa ni Thelma sa sinabi ni Trevor pero pinigil. Baka akalain ng anak na lumalandi siya. Baka makahalata na bakit tuwang-tuwa siya sa sinasabi ng propesor.
“Maganda talaga, Sir Trevor. Di ba, Mommy?’’
Ngumiti lang si Thelma. Pakipot kunwari. Ayaw niyang magpahalata na nasisiyahan siya sa mga papuri.
Para hindi na makaagaw ng atensiyon sa dalawa ay nag-excuse siya at nagdahilan na kunwari ay may gagawin pa sa kuwarto.
Habang nasa kuwarto, naririnig niya ang masayang usapan ng dalawa. Tungkol sa mga activities sa school ang pinag-uusapan. Tila pinapayuhan si Trev na sumali bilang staffer ng student paper. Meron daw ibubuga sa pagsusulat si Trev. Sayang naman daw kung hindi magagamit ang talento. Maganda rin daw na tuntungan para mahasa ang nalalaman sa pagsusulat.
Noon lamang naisip ni Thelma na ang talino na ipinamamalas ni Trev ay nakuha sa amang si Trevor. Kaya ngayon ay nakatitiyak siya na 100 percent ay anak ni Trevor si Trev. Noon ay may duda pa siya pero ngayong nagpapakita na ng mga palatandaan si Trev, tiyak na tiyak na siya. Napapansin na rin ni Thelma na pati mannerism ay nakukuha na ni Trev sa amang manunulat at propesor.
Ang problema lamang ay kung paano sasabihin ni Thelma kay Trevor na anak nito si Trev. Magulat kaya ito o maniwala agad? Minsan lang sila nagtalik pero nabuntis agad siya?
Bahala na. Maghihintay siya ng tamang pagkakataon. Hindi na siguro mahirap iyon.
(Itutuloy)
- Latest
- Trending