Thelma (133)

“MAY naghahanap sa’yo Trev,” sabi ni Thelma bagamat alam niyang si Trevor Buenviaje ang naghahanap. Nasilip niya sa bintana. Mabuti na lamang at wala na ang dating katulong na nakakita kay Trevor noong magtungo ito pero hindi tinanggap ni Thelma. Ang bagong katulong na ang tumanggap kay Trevor ngayon.

“Sino raw ang naghahanap sa akin, Mommy?’’

“Lalaki. Baka yan ang professor mo.”

Biglang napatayo si Trev mula sa pagkakahiga. Parang nawala ang sakit. Tinungo ang pinto para salubungin ang dumating na bisita. Nakatingin lang si Thelma sa anak. Pero ayaw niyang magpahalata na nasisiyahan siya sa pagdating ni Trevor. Ngayon lalo siyang dapat mag-ingat at baka mahalata ang kanilang relasyon. Hindi dapat malaman ni Trev na magkakilala na sila at may nangyari na noon pa sa kanila. At hindi dapat malaman ni Trev na ang tunay niyang ama ay si Trevor. Mas makabubuting huwag nang malaman ni Trev ang lahat para hindi masira ang magandang pagsasamahan nila.

Nanatili sa kuwarto si Thelma. Nakahiga siya pero nakikiramdam sa nangyayari sa labas.

Nakarinig siya ng ya­bag papalapit sa kuwarto. Tiyak niyang si Trevor. Binuksan ang pinto. Si Trevor nga!

“Mommy, halika at ipakikilala kita sa propesor ko.”

“Naku hindi ako naka­bihis.”

“Magbihis ka, Mommy. Yung maganda para pagnakita ka ng prop ko e hangaan ka lalo. Sinabi ko kasi, maganda.”

“Ikaw talaga Trev, isinubo mo ako…”

“Sige na. Hihintayin ka namin.”

“Ipagtimpla mo ng juice ang prop mo. O kaya bigyan mo ng softdrink.”

“Hindi yun umiinom ng softdrink. Gusto ay tubig.”

“Sige bahala ka kung anong gusto.”

“Bilisan mo, Mommy.”

Lumabas na si Trev.

Hindi malaman ni Thelma ang isusuot. Yung maganda raw ang isuot sabi ni Trev.

Pumili nang magandang damit si Thelma. Isinuot. Nagpaikut-ikot sa salamin. Puwede na.

Nagpahid ng kaunting pulbos.

Nang matapos ay lu-mabas siya.

(Itutuloy)

Show comments