Thelma (128)
NANG makaalis si Trevor Buenviaje ay nakadama ng kalungkutan si Thelma. Gusto ni Thelma na habulin ito at bawiin ang naunang sinabi. Na payag na siya kahit pa malaman ng anak ang relasyon nila. Pero tinimpi niya ang sarili. Hindi pa panahon. Hindi pa dapat mabulgar ang lihim nila ni Trevor Buenviaje.
Napansin ni Thelma ang key chain na nakapatong sa center table. Hindi pala kinuha ni Trevor kanina. Baka hindi na kailangan. Itinago niya ang key chain. Mahalaga ito sa kanya. Sa key chain na ito nalaman ni Trevor ang nakatago niyang damdamin. Nahuli siya ni Trevor. Hindi siya nakapagkaila. Totoo naman na mayroon siyang damdamin kay Trevor pero mas nanaig ang takot na baka hindi magustuhan ng anak ang gagawin niyang pakikipagrelasyon. Saka na muna ang damdamin niya. Makakapaghintay pa naman silang dalawa.
ILANG buwan ang lumipas. Hindi inaasahan ni Thelma ang pagpanaw ng kanyang pinsang si Ate Marie. Cancer sa suso ang sakit nito na inakalang magaling na raw. Pero nabalitaan ni Thelma na bumalik ang cancer. At hindi na nakaligtas si Marie. Nang magkasakit si Marie noon ay ipinasya niyang dalahin sa tindahan ni Mang Caloy si Trev. Noon nagsimula ang relasyon nila ni Mang Caloy. Nahostage pa noon si Trev na iniligtas ni Mang Caloy.
Umuwi si Trev para makipaglibing kay Marie na itinuring na rin niya na ina.
Kinabukasan, ay paalis na rin si Trev patu-ngong Maynila. Aalis na ito nang may ikuwento kay Thelma.
Tungkol daw sa propesor na kapangalan pa niya. Akala niya nag-iisa siya na may pa-ngalang Trevor.
“Anong apelyido ng prof mo?” tanong ni Thelma.
“Buenviaje. Trevor Buenviaje, writer din daw siya.”
Pinagpawisan si Thelma.
(Itutuloy)
- Latest
- Trending