Thelma (118)
“SABIHIN mo na anak ang problema. Hindi ako matatahimik hangga’t hindi ko nalalaman ang pinaghihimutok mo.”
Napabuntunghininga si Trev. Nilaru-laro ang pahina ng libro. Atubili kung magsasalita.
“Sige na Trev anong problema?”
“Hindi naman gaanong problema, ‘Ma. Gusto ko lang sana na magkasama na tayo rito sa Maynila. Siyempre kahit na inaasikaso ako ni Tita Ara ay iba pa rin kung narito ka. At isa pa, wala kang kasama roon. Mga boy at helper lang, natatakot ako kapag nakakabalita na may amo na pinatay ng katulong o boy.”
Napatitig si Thelma kay Trev. Iyon pala ang problema ng kanyang anak. Napakabait ng kanyang anak. Siya pala ang inaalala nito.
“Pero alam kong hindi ka papayag na dito na manirahan at iwan ang negosyo natin. Iyon ang tanging pinagkakakitaan natin.’’
“Hayaan mo anak at gagawa ako ng paraan laging narito. Kahit linggu-linggo ay pipilitin ko para magkasama lagi tayo. Gusto ko rin na magkasama tayo araw-araw. Gusto ko ay inaasikaso ang pangangailangan mo.”
“Iyon lang ‘Ma ang problema ko. Pero huwag ka nang mag-alala, siguro naman ay darating din ang araw na talagang magkakasama na tayo rito sa Maynila.”
“Salamat Trev.”
“Basta mag-iingat ka lang ‘Ma.”
“Oo, Trev.”
TINUPAD ni Thelma ang pinangako kay Trev. Linggu-linggo ay nasa Maynila siya. Darating siya ng Sabado ng gabi at aalis ng Lunes ng umaga.
At nadarama ni Thelma na nasisiyahan ang anak.
Hindi naman akalain ni Thelma na matutunton ni Trevor Buenviaje ang tirahan nila. Paano nalaman ni Trevor ang bahay? Sinundan kaya siya noon? Nagulat siya nang kumatok sa gate si Trevor Buenviaje. Wala ang anak niyang si Trev nang dumating ang manunulat.
(Itutuloy)
- Latest
- Trending