Thelma (113)
“PERO minahal ko si Caloy kahit malaki ang agwat ng edad niya sa akin. Tala-gang ipinakita niya ang pagmamahal sa akin at sa aking anak. Lagi siyang nasa tabi ko at handa akong ipagtanggol sa sinumang mang-aapi sa akin,” pagkukuwento ni Thelma kay Trevor Buenviaje.
“Akala ko nga, hindi ko siya mapag-aaralang mahalin pero kapag pala ubod ng bait ang isang tao, kusang sisibol ang pagmamahal. Iyak ako nang iyak nang mamatay si Caloy. Kasi’y hindi man lamang kami nagkausap. Hindi na niya ako nahintay. Hindi ako makausap dahil sa tindi ng pagdadalamhati. Hindi ko inaasahan na madali lang kaming magsasama ni Caloy. Iglap lang ay biyuda na uli ako at nag-iisa. Mabuti na nga lamang at may anak ako…”
Napatangu-tango si Trevor Buenviaje. Sumasang-ayon sa mga sinabi ni Thelma.
“Dalawang beses ka nang nabibiyuda. Hindi ka ba natatakot na sa ikatlong pag-aasawa ay mabiyuda ka uli, Thelma?”
“Hindi na ako mag-aasawa. Ang buong panahon ko ay ibubuhos na lamang sa anak ko. Gusto ko, makatapos siya ng pag-aaral. Gusto niyang maging abogado.”
Napatangu-tango muli si Trevor. Nang magsalita muli ito ay nagdulot ng kaba kay Thelma. Ito na ba ang kinatatakutan niya?
“Mabuti pala at naiwanan ka ng anak ni Delmo. Matagal din bago kayo nagkaanak ano? Ano nga pala anak n’yo?”
Hindi makasagot si Thelma. Atubili siya.
(Itutuloy)
- Latest
- Trending