Thelma (111)
HABANG kumakain ay hindi makatingin si Thelma kay Trevor Buenviaje. Alam niya, pinagmamasdan siya ng manunulat. Paano ba siya makakatingin sa lalaking minsan ay nakaangkin sa kanya? Kahit minsan lang nangyari iyon ay hindi niya makakalimutan. At lalo pa nga at may naipunla sa kanya ang lalaking ito.
“Bakit ka nga pala narito sa Maynila?” Tanong ni Trevor.
Itinigil ni Thelma ang pagkutsara ng halo-halo. Noon siya tumingin kay Trevor.
“Umorder ako ng spare parts ng motorsiklo para sa aming shop. Dinadalaw ko pati ang anak ko…”
“Ah,” nasabi na lang ni Trevor.
Saka naisip ni Thelma na bakit ba nasabi pa niya na dinadalaw niya ang anak. Baka maghinala si Trevor. Dapat hindi niya sinabi iyon. Baka uriratin pa ang tungkol sa nangyari sa kanila.
“Sayang talaga at hindi na kami nagkita ni Delmo. Mabait talaga ang asawa mo, Thelma. Bihira ang katulad niya na noon lang ako nakilala ay pinagtiwalaan na agad. Natatandaan mo, di ba nagpunta lang ako sa inyong lugar para mag-interbyu sa nakasaksi sa nangyaring krimen doon pero pinagtiwalaan agad ako. Ipinaghanda n’yo pa ako ng pagkain di ba?”
Napatango si Thelma. May nadaramang takot si Thelma sapagkat baka idako ni Trevor Buenviaje ang usapan sa nangyari sa kanila ng madaling araw na iyon.
“Talagang kung sino ang mabait na damo ay siyang nauuna ano, Thelma?
Napatango si Thelma.
“Ako masamang damo kaya siguro matagal ang buhay,” sabi ni Trevor at nagtawa.
Nagtaka si Thelma kung bakit nasabi ni Trevor na masamang damo siya. Dahil kaya sa nagawa niyang kasalanan kay Delmo? Dahil “iniputan” niya si Delmo sa ulo.
“Marami rin kasi akong nagawang kasalanan e,” sabi pa ni Trevor.
(Itutuloy)
- Latest
- Trending