“IKAW nga ba si Trevor Buenviaje?’’ Tanong ni Thelma na hindi pa rin makapaniwala.
“Oo. Ako nga. Yung writer.”
“Hindi kita nakilala. Akala ko kanina ay holdaper ka dahil nakatingin ka nang masama sa akin.”
Nagtawa si Trevor.
“Mukha pala akong holdaper. Kaya ka pala naglakad nang mabilis ay dahil akala mo ay hoholdapin kita.’’
“Oo. Kasi’y marami raw holdaper ngayon. Nag-iingat lamang ako.”
“Teka nagmamadali ka ba? Magmeryenda muna tayo sa ChowKing. Kahit halo-halo at siopao lang. Magkuwentuhan muna tayo at maaga pa naman.”
Atubili si Thelma. Makakasama niya ang lalaking nakaangkin na sa katawan niya. Parang hindi siya makakatingin nang tuwid sa lalaking ito habang sila ay kumakain.
“Sige na Thelma. Hindi naman siguro magagalit si Delmo. Meryenda lang naman. At saka palagay ko, baka matuwa pa si Delmo kapag nalaman na nagkita tayo. Alam mo bait na bait ako kay Delmo. Walang kasing bait ang asawa mo. Ano, halika na Thelma at ililibre kita.”
Pumayag si Thelma. Bahala na. Siguro naman ay kaya na niyang maka-tingin nang tuwid kay Trevor Buenviaje. Pero isang plano ang nasa isip niya: Hindi niya sasabihin ang tungkol sa anak na si Trev. Kahit pa anong mangyari, hindi siya magsasalita ng tungkol kay Trev.
“Halika na sa ChowKing,” yaya ni Trevor.
Pumasok sila sa Chow King.
Inihanap muna ni Trevor ng mesa si Thelma at saka ito umorder ng halo-halo at siopao.
Habang hinihintay ang order ay tanong nang tanong si Trevor kay Thelma. Halatang sabik na sabik si Trevor.
“Kumusta ang buhay, Thelma?”
“Mabuti naman.”
“Si Delmo nga pala ay nasaan? Kasama mo siya nang lumuwas dito sa Maynila?’’
‘‘Patay na si Delmo. Matagal na.’’
Nalungkot si Trevor.
‘‘I’m sorry. Anong nangyari sa kanya.’’
‘‘Naaksidente habang namamasada ng traysikel.’’
Napabuntunghininga si Trevor.
“Wala na pala ang kaibigan ko. Sayang sana ay nagkita kami.”’
Dumating ang order nila.
“Sige kain na muna tayo, Thelma. Marami pa tayong pagkukuwentuhan…”
(Itutuloy)