Thelma (106)
MADAMDAMIN ang pag-papaalam ni Judith kay Thelma. Hindi matapus-tapos ang pasasalamat. Magaan na raw ang kalooban niya. Tanggap na tanggap na niya ang mangyayari. Handa na raw siya.
“Si Ara na lang ang galit sa akin. Sana magawa mong makausap siya, Thel. At saka sabihin mo, siya na ang bahala sa mga anak ko. Siya lang at saka ikaw ang maaasahan kong tutulong sa dalawa kong anak. Hindi ko na inaasahan ang aking asawa dahil alam ko kung anong klase siyang lalaki,” sabi ni Judith at tumayo. “Aalis na ako Thel, ikaw na ang bahala. Salamat.” Umiyak si Thelma. Iyon na ba ang huling pag-uusap at pagkikita nila ni Judith. Ba- kit masama ang kutob niya?
“Oo Judith. Ako nang bahala. Tatawagan ko si Ara. Sasabihin ko lahat ang mga sinabi mo.”
Umalis na si Judith. Inihatid ni Thelma ng tanaw hanggang sa mawala na lamang bigla sa kanyang paningin. Parang naglaho na si Judith. Pinahid ni Thelma ang luha na umagos sa kanyang pisngi. Hindi siya iyakin pero sa pagkakataong iyon ay hindi niya napigil ang sarili. Naawa siya kay Judith.
TINUPAD ni Thelma ang pangako kay Judith. Tina-wagan agad niya si Ara sa Maynila.
Napaiyak si Ara sa ibina-lita ni Thelma. Natunaw din ang galit ni Ara sa kapatid. Nawala na lahat.
“May sakit si Judith at sabi niya nasa stage 4 na. Hindi na raw siya magta-tagal. Pero matatag siya at handa na sa mga mangyayari sa kanya. Tanggap na raw niya.”
“Ang asawa niyang pastor nasaan?”
Ikinuwento ni Thelma na may ibang asawa na ito.
Napabuntunghininga na lang si Ara. Hindi na siya nakapagsalita pa.
“Sabi ni Judith, ikaw na raw ang bahala sa mga anak niya. Wala na raw ibang mag-aasikaso sa mga anak niya.”
Napaiyak muli si Ara.
“Uuwi ako diyan, Thelma?”
“Kailan?”
“Basta darating na lang ako. Gusto kong makita si Ate.”
“Sige Ara. Hihintayin kita.”
Pero nakalipas pa ang isang linggo bago nakarating si Ara. Hindi siya makaalis dahil sa trabaho.
Hindi akalain ni Ara na hinihintay lang pala siya ng kapatid. Makaraang magkita at magkapatawaran ay nanikip na ang dibdib. Isinugod nila sa ospital. Pero makaraan ang ilang oras ay namatay din.
(Itutuloy)
- Latest
- Trending