“TAYO nang umuwi, Thelma. Malamig na ang simoy ng hangin dito sa semen-teryo. Para makapagpa-hinga tayo pare-pareho…” sabi ni Ara.
“Puwedeng sandali na lang Ara.”
Tumango si Ara. Hinawakan nito ang kamay ni Trev at bahagyang lumayo kay Thelma. Gusto niyang bigyan ito ng pagkakataon para sa anumang sasabihin sa harap ng puntod ng namayapang asawa. Habang naglalakad palayo, ngayon ay mas naiintindihan ni Ara ang kalagayan ni Thelma na maaaring guluhin ng kapatid niyang si Judith. Hindi man nagsasabi si Thelma, nararamdaman ni Ara na ang problema kay Judith ang dinadala nito. Mas mabuti nga sana kung hindi na magpapakita pa si Judith para naman matahimik si Thelma. Naiisip ni Ara, kung noong nabubuhay pa ang kanyang papa ay walang takot si Judith sa pagsasalita ng kung anu-ano kay Thelma, tiyak na mas lalo pa ngayong wala nang kakampi. Kung noon ay lantaran ang panghihiya at pagsasabi nang masasakit na salita, lalo pa siguro ngayon.
Napabuntunhininga si Ara. Kung maaari lang na dito na siya sa probinsiya manirahan para may kakampi si Thelma. Hindi naman uubra dahil sa trabaho niya.
Narinig ni Ara ang tawag ni Thelma. Uuwi na sila.
“Okey ka na Thelma?”
“Oo Ara. Hindi ko lang alam sa mga susunod.”
Naunawaan na ni Ara ang ibig sabihin.
“Baka guluhin ka ni Ate Judith?”
Tumango si Thelma.
“E kung lumuwas na lang kayong mag-ina sa Maynila?”
Napatingin si Thelma kay Ara.
(Itutuloy)