Thelma (93)

ISANG traysikel ang tumigil sa tapat ng kanilang bahay. Nagmamadaling tiningnan ni Thelma at baka si Caloy na ang sakay ng traysikel. Pero walang sakay ang traysikel at ang drayber ay nagmamadali sa pag­lalakad palapit sa bahay. Kilala niya ang drayber ng traysikel – si Mulong – suki niya sa spare parts.

“Aling Thelma! Aling Thelma!” tawag nito.

Lumabas si Thelma. Bakit bigla siyang kinabahan?

“O Mulong, bakit?”

“Si Mang Caloy po, Aling Thelma nasa ospital!”

Napipi si Thelma.

“Aling Thelma, ihahatid ko na po kayo sa ospital.”

Pero pipi pa rin si Thelma. Hindi niya maabot ng isip. Ano itong kapalaran niya. Ang unang asawa niya ay namatay sa bangga at hindi na sila nakapag-usap. Ganito rin ba ang sasapitin ni Caloy. Naghihingalo na ba si Caloy?’’

Saka lamang nagbalik ang kamalayan ni Thelma. Kaila­ngang makapunta siya sa ospital. Bu­malik siya sa loob ng bahay at binuhat si Trev na noon ay mataas ang lagnat. Isasama na niya ito.

Sumakay sila sa traysikel. Pinaha­rurot.

“Anong nangyari kay Caloy, Mulong?”

“Sumakay po siya sa akin kanina. Pero maayos naman ng sumakay. Pero nang makalampas kami ng school, dumaing po nang paninikip ng dibdib. Dalhin ko raw sya sa ospital. Nang dalhin ko sa emergency room ay maayos pa naman at sinabing puntahan daw kita Aling Thelma­.”

“Anong lagay niya Mulong? Anong lagay ng asawa ko.

“Nire-revive po ng mga doktor nang umalis ako.

“Diyos ko Caloy huwag mo akong iiwan. Huwag mo akong iiwan, Caloyyy­!

Nang makarating sa ospital ay nagmamadali sa pagbaba si Thelma. Tinungo ang emergency room.

(Itutuloy)

Show comments