Thelma (81)
INIUPO niya si Caloy sa silya. Mabilis na nakakuha ng tubig sa maliit na ref. Pinainom si Caloy. Itinapat ang electric fan para makasagap ng hangin. Nanumbalik ang pagluwag ng hininga ni Caloy. Nanauli ang kulay sa mukha. Kanina ay namumutla na parang kinulang sa supply ng hangin.
“Caloy, anong masakit? Okey ka na?”
Tumango. Pero bahagya lang.
“Huwag ka na munang kumilos.”
“Okey na ako, Thel.”
“Huwag ka na munang magsalita.”
Natahimik si Caloy.
Pinainom ni Thelma ng tubig. Naubos ang tubig sa baso.
“Nabigla lang ako Thel. Kasi’y itong anak kong si Judith ay bastos. Napa-kabastos talaga. Parang walang pinag-aralan. Pagpasensiyahan mo na.”
“Kaya nga ayaw kong ikuwento sa iyo dahil magagalit ka. Ayaw kong lumaki pa ang isyu. Madali naman akong kausapin. Gaya nga ng sabi ni Ara, huwag kong pansinin si Judith.
“Pero pagsasabihan ko siya kapag nagkita kami. Kakahiya sa’yo, Thelma.”
“Okey lang, Caloy.”
“Kaya nga mas paborito ko si Ara kaysa kay Judith. Hindi ko alam kung saan nagmana nang masamang ugali si Judith. Talagang hinahamon ako ng babaing iyon.”
“O baka na naman sumakit ang dibdib mo. Relaks ka lang Caloy.”
“Ikaw ang inaalala ko, Thel. Paano kung bigla akong mamatay e di aapihin ka ng anak ko.’’
“Huwag ka naming magsalita ng patay-patay, Caloy at kinikilabutan ako.”
“Nasasabi ko lang, Thel. Kaya nga gusto ko masuweto si Judith.”
(Itutuloy)
- Latest
- Trending