MAY dahilan si Thelma kung bakit ayaw niya sa bahay ni Mang Caloy tumira kapag mag-asawa na sila —dahil kay Judith – ang masungit at matapobreng anak ni Mang Caloy. Unang pagkakita pa lamang niya kay Judith ay may masama na siyang naramdaman. Hindi katulad ng kapatid nitong si Ara na magaan ang loob niya. Kung halimbawa at nag-iisang anak si Ara, papayag agad siyang tumira sa bahay ni Mang Caloy. Wala siyang magi-ging problema kung si Ara ang magiging kasama niya sa bahay. Gusto niya si Ara.
“Kailan mo gustong magpakasal tayo, Thelma?”
“Ikaw ang bahala, Caloy. Basta ang gusto ko, tayu-tayo lang. Kung maaari ili-him na natin.”
“Ikaw ang bahala. Kakausapin ko na ang kumpare kong judge na magkakasal sa atin. Kung gusto mo ta-yong dalawa na lang ang magtungo sa kanya.”
“Okey sa akin.”
“Sa isang linggo, pakasal na tayo, Thelma.”
“Bahala ka. Paano ang mga anak mo?”
“Anong paano?”
“Baka tutol sila sa gagawin mo.”
“Hindi sila makakatutol sa gusto kong gawin sa buhay ko.”
“Yung anak mong si Judith?”
“Kahit sino walang ma-kakapigil sa akin. Basta tapos na ang plano natin. Ikakasal tayo sa isang linggo. Tapos magtungo tayo sa Boracay o kahit sa Palawan. Hindi pa ako nakakarating dun.”
“Kaya mong magbiyahe?” Tanong ni Thelma.
“Oo naman.”
“Kasi bagong galing ang sugat mo. Baka sumariwa sa biyahe.”
“Hindi. Kaya ko na.”
“Paano itong tindahan?”
“Isasara natin. Saka na ang pagkita ng pera.”
“Paano si Trev, Caloy?”
“Aba e di isasama natin. Hindi naman tuta yan na maaaring iwanan sa kung saan. Ngayon pa na magi-ging mag-asawa na tayo.”
Nagbiro na si Thelma kay Mang Caloy.
“Makikita mo na malapitan ang sinisilip mo noon.”
“Hindi lang makikita kundi malalasahan pa.”
“Ay bastos!”
Napahalakhak si Mang Caloy. Ang halakhak ay narinig ni Trev na noon ay naglalaro. Napatingin ito kay Papa Caloy. At pagkatapos ay sa ina. Hindi niya maunawaan kung bakit masaya si Papa Caloy niya. (Itutuloy)