Thelma (70)
SA sobrang ligaya ni Mang Caloy sa pagtanggap ni Thelma, tinawag nito si Trev na naglalaro sa dako roon.
“Trev, halika ka nga Anak.”
Lumapit si Trev kay May Caloy.
“Bakit po Papa?”
“Gusto mo ba na kasama ako lagi. Yung pati sa gabi ay magkasama tayo.”
“Opo.”
“Mula ngayon, magkasama na tayo araw-araw at gabi-gabi.”
“Totoo po, Papa?”
“ Sa bahay ko na kayo titira. Malaki ang bahay ko. May malaking TV, may malaking ref at maraming laruan.”
Hindi makapagsalita si Trev sa mga narinig kay Mang Caloy. Binalingan ang inang si Thelma.
“Mama, totoo po ba ang sinabi ni Papa?”
“Oo.”
“Paano po ang bahay natin, Mama?”
“Pauupahan na lang natin.”
“Paano po si Mama Marie? Hindi ko na siya makikita.”
“Dadalawin natin madalas.”
“Sasama ako sa pagdalaw, Trev,” sabi ni Mang Caloy.
Nang mapag-isa sila ni Mang Caloy ay masinsinan itong kinausap ni Thelma.
“Magli-live-in ba tayo o pakakasalan mo ako?”
“Pakakasalan kita, Thelma. Gusto kong malaman ng lahat na kinasal tayo.”
“Gusto ko sa huwes at tayu-tayo lang. Wala nang iba.”
“Oo. Kung yun ang gusto mo.”
“Saan mo kami ititira ni Trev?”
“Sa bahay ko. Malaki ang bahay ko, Thelma.”
“Kung maari ayaw ko roon. Gusto ko, sa ibang bahay mo ako itira. Gusto ko sarili natin.”
“Kung yun ang gusto mo Thelma, susundin ko. Ganyan kita kamahal.”
Hinagilap ni Thelma ang palad ni Mang Caloy. Gusto na niya ang matandang ito. Lahat nang magustuhan niya ay ibinibigay. (Itutuloy)
- Latest
- Trending