KAILANGAN niya si Mang Caloy para matupad ang mga pangarap kay Trev. Sino pa na namang lalaki ang makapagbibigay sa kanya ng ginhawa? Wala nang iba kundi ang matanda na matagal nang nagpapahayag ng pag-ibig sa kanya. Maaaring may lalaki na mahaling sa kanya dahil bata pa siya at sariwa pa naman pero ano ang idudulot sa kanya? Baka pawang dusa. Baka patuloy din siyang magtatrabaho. Wala na siyang pag-asang makaaangat. Pawang hirap na lang. Nagsasawa na siya sa buhay na isang kahig, isang tuka.
At gaano ang kaseguruhan na mamahalin ng lalaking mapapangasawa niya si Trev? Walang kaseguruhan. Samantalang kay Mang Caloy, sigurado nang magkakaroon nang magandang kinabukasan si Trev. Mahal na mahal ni Mang Caloy si Trev. Tinuturing na tunay na anak o baka higit pa. Patunay ang ginawang pagliligtas sa amok. Iniharap ang sarili sa panganib. Muntik nang mamatay dahil sa pagliligtas sa kanyang anak. Kung hindi kay Mang Caloy, baka wala na ang kanyang si Trev. Utang niya kay Mang Caloy ang buhay ni Trev. Hindi niya malilimutan ang ginawa ni Mang Caloy. Bihirang tao ang nakagagawa ng ganoon katapang.
Tatanggapin niya si Mang Caloy sa kabila na may kinakaharap siyang malaking problema sa anak nitong si Judith. Nararamdaman na niya na si Judith ang magiging tinik sa lalamunan niya. Nagpakita na ng totoong kulay si Judith nang magkaharap sila sa ospital. Lantaran ang paninisi sa kanya.
Pero kakampi naman niya ang isang anak ni Mang Caloy na si Ara. Tiyak na magkakasundo sila ni Ara. Gusto niya si Ara.
Handa na siya sa panibagong kabanata ng kanyang buhay. Handa nang harapin ni Thelma ang mga magiging problema sa gagawing pasya.
“Hindi na kita pahihirapan, Mang Caloy,” sabi ni Thelma isang umaga. Maaga siyang pumasok. Si Trev ay naglalaro sa di-kalayuan. Nakangiti siya nang sabihin iyon. Hindi naman maipaliwanag ang ekspresyon ni Mang Caloy. Alanganin ang kanyang pagkakangiti.
“Ibig mong sabihin ay sinasagot mo na ako, Thelma?” tanong nito na halos ay hindi kumukurap.
“Oo.”
“Baka nagbibiro ka Thelma? Baka naman gusto mo lang akong masiyahan?
“Aba ay kung ayaw mo e di babawiin ko na ang “oo” ko. Ayaw mo ba?”
“Naku, hindi Thelma! Huwag mong bawiin!” sabing natutuwa at hinagilap ang palad ni Thelma.
“Baka ka makita ni Trev. Madaldal na iyan. Baka itsismis tayo.”
Nagtawa si Mang Caloy. Pinisil nang pinisil ang palad ni Thelma. Sobrang ligaya niya.
(Itutuloy)