“ATE Judith, siya si Thelma yung ina ng batang niligtas ni Papa sa amok.” Pagpapakilala ni Ara.
Tiningnan siya ni Judith nang tuwid na tuwid na para bang nang-iinsulto at saka sinabi, “Ah ikaw pala yung ina. Dapat kasi, hindi mo hinahayaan ang anak mo na lumalayo. Hindi mo dapat siya pinalabas sa tindahan. Ngayon dahil hinayaan mo, ang Papa ko tuloy ang nagdudusa. Matagal pa bago gumaling ang sugat. Kami ni Ara, may sariling inaasikaso at pinagkakaabalahan. Dahil sa nangyari, apektado ako at si Ara.”
Biglang pumagitna si Ara. Ipinaliwanag ang nangyari.
“Ate, isinama ni Papa ang anak niya sa labas ng tindahan. Nang nasa labas na sila biglang sumulpot ang amok at nanghostage na. Yun ang nangyari.”
“Ganun na rin yun. Dapat hindi niya pinabayaang sumama kay Papa ang anak niya.”
Hindi na nagsalita si Ara. Si Judith naman ay inayos ang mga dalang prutas sa tray at ipinatong sa mesa. Hindi tumingin kay Thelma. Nakakunot ang noo na parang problemado.
Maya-maya nagising na si Mang Caloy.
“O kumusta ka na Papa?”
“O-okey n-naman, Judith.”
“Masakit ba ang sugat mo?”
“H-hindi n-na g-gaano. Okey na ako.”
“Huwag ka na munang magsasalita at kikilos para hindi makalog ang sugat. Kailangang gumaling ka na at marami rin kaming inaasikaso ni Ara.”
“O-oo. G-gagaling n-na a-ako.”
“Kung bakit kasi isinama mo pala ang batang anak ng tindera mo sa labas kaya na-hostage. Kung hindi mo isinama e di hindi ka sana nakaratay. Ikaw tuloy ang nagdurusa ngayon. Ikaw ang naghihirap na kung tutuusin ay hindi sana nangyari.”
“O-okey n-na n-naman a-ako, J-judith. T-tapos n-n i-iyon. N-nangyari n-na i-yon.”
“Huwag na sanang maulit dahil pati kami e apektado.”
Habang nagsasalita si Judith, pakiramdam ni Thelma ay sinasampal siya. Siya ang sinisisi sa nangyari kay Mang Caloy.
Nang hindi na makaya ni Thelma ang mga padaplis ni Judith ay nagpaalam na siya kay Mang Caloy at Ara. Hindi siya tatagal sa sitwasyong iyon.
(Itutuloy)