Thelma(64)
ISANG babae ang nakita nilang kasama ni Mang Caloy. Maputi ang babae at singkit na parang Chinese. Mga 30-anyos marahil. Nang pumasok sina Thelma ay lumabas ang babae. Malakas ang kutob ni Thelma na anak ni Mang Caloy ang babae.
Nakalapit na agad si Trev sa higaan ni Mang Caloy. Kinausap nito si Mang Caloy. Pero pa-wang tango lang si Mang Caloy. Hindi pa gaanong makapagsalita. Siguro’y pinagbawalan ng doctor. Hinawakan sa ulo si Trev at ginulo ang buhok.
“Kailan ka lalabas, Papa Caloy?” Tanong ni Trev.
“M-atagal p-pa, Trev.”
Sinamantala na ni Thelma ang pagkakataong iyon para magpasalamat sa matanda.
“Salamat, Mang Caloy sa pagliligtas mo kay Trev. Kung hindi sa’yo baka si Trev ang nadisgrasya. Sa-lamat nang marami.”
Napatango lang si Mang Caloy. Nakangiti. Tila ba nadagdagan ang lakas sa sinabi ni Thelma. Iyon ang unang pagkakataon na nagsalita nang mahinahon at may pakiusap si Thelma.
“Anak mo ba yung lumabas, Mang Caloy.”
Tumango.
“Panganay?”
Isinenyas ng daliri ang dalawa.
“Pangalawa?”
Tumango.
“Saan siya nagpunta?”
“S-s b-botika. M-ay b-bibilhin.”
Hindi na nagtanong si Thelma para hindi mapuwersang sumagot si Mang Caloy.
Nagpaalam na sina Thelma kay Mang Caloy.
“B-bahala k-ka n-na m-muna s-sa t-tindahan, T-thelma,” sabi ni Mang Caloy.
“Oo. Akong bahala.”
Nagpaalam na ang mag-ina. Nangakong babalik para dalawin uli.
Nang magbalik ang mag-ina makaraan ang dalawang araw ay naroon ang bunsong anak ni Mang Caloy. Si Thelma na ang nagpakilala sa anak ni Mang Caloy.
(Itutuloy)
- Latest
- Trending