KAILANGAN niyang mahuli sa akto si Mang Caloy sa ginagawa nito. Kung hindi niya mahuhuli, hindi ito titigil. At malaki ang paniwala niya, na talagang sinisilipan siya. Hindi lamang niya malaman kung paano ang ginagawa para siya masilipan. At napapakiramdaman ni Thelma na mas lalo nang na-ging ‘‘atat’’ si Mang Caloy mula nang mamatay ang asawa.
Kung gagawin naman niya ang sinabi ni Marie na kumprontahin ito, parang hindi niya magagawa. Mas madali niyang makukumpronta si Mang Caloy kung mahuhuli niya sa akto. At iyon ang gagawin niya, huhulihin niya ang matanda.
ISANG araw, maagang umalis si Mang Caloy. Forty days daw ng kamatayan ng asawa at pupunta siya sa sementeryo. Baka hindi na raw makabalik. Siya na raw ang bahalang magsara ng tindahan.
Napangiti nang lihim si Thelma. Ngayon niya maiinspeksiyon nang todo ang tindahan para makapagbigay sa kanya ng ebidensiya na may ginagawang ‘‘kalokohan’’ sa kanya si Mang Caloy. Hahalughugin niya nang todo ang tindahan.
Pinalipas lang ni Thelma ang kalahating oras bago sinimulang maghalughog. Binuksan muna niya ang drawer ni Mang Caloy. Iyon ang drawer na kinatagpuan niya ng panty. Hinanap niya sa loob ang panty. Dinukot. Wala na siyang madukot na panty. Hinagilap pa niya at baka nasa pinaka-loob lang. Wala talaga. Itinago na. Siguro’y nagduda na baka nabisto na.
Nanghinayang si Thelma kung bakit hindi pa niya kinuha ang panty. Sana itinago na niya. Nawalan tuloy siya ng ebidensiya. Ngayon ay hindi na niya maaaring kumprontahin si Mang Caloy ukol sa panty. Wala siyang maipipresentang katibayan. Sayang talaga! Ang tanga niya!
Isinara niya ang drawer. Luminga-linga siya sa paligid ng opisina. Nakita niya ang isang plastic cabinet na hanggang dibdib ang taas. May limang drawer ang cabinet. Nasa ibabaw ng cabinet ang sari-saring damit na nakaplastic pa.
Hinila niya ang unang drawer. Natambad ang lamang damit sa loob. Mga luma na ang damit. Halatang matagal nang nakasilid doon.
Hinila niya ang isa pa. Mga damit din ang laman.
Nang hilahin niya ang ikatlong drawer, nagulat siya sa laman niyon — mga panty. Pero halatang nagamit na ang mga panty. Ano ito, koleksiyon ng mga panty? Pinagmasdan niya at baka kabilang doon ang kanyang ninakaw na panty. Wala roon. Sa ibang lalagyan kaya itinago?
Mahilig mangolekta ng panty si Mang Caloy? Iyon ang naisip ni Thelma. At sa tipo, matagal nang nangungulekta ng panty ang matanda. Libangan na yata ang pangungulekta ng “used panties”.
Isinara niya ang drawer. Hanggang sa may mapansin si Thelma sa pader na kinasasandalan ng plastic cabinet. May butas yata ang pader. O dinadaya lang siya ng mga mata.
(Itutuloy)