“NAPAPIKIT ako. Pero sigurado akong si Mommy ang dumating at sumaksak sa hayup kong ama na nakakubabaw sa akin. Inundayan pa. Lumuwag ang pagkakadagan. Hanggang sa tuluyan akong nakahulagpos sa halimaw. Nakaisod ako palayo.
“Pero kahit may tama na, nagawa pa ring agawin ang patalim kay Mommy at sinaksak din si Mommy. Sunud-sunod din. Hanggang sa bumagsak ang halimaw sa sahig. Si Mommy ay bumagsak sa di-kalayuan.
“Ako ay hindi agad nakapagsalita at nakakilos. Shock ako. Nakatingin lang ako kay Mommy ha bang may umaagos na dugo sa katawan. Nagbalik lamang ang katinuan ko nang mismong si Mommy na ang nagsalita at nagpapadala sa ospital. Gusto niyang mabuhay. Lumalaban siya.
“Kahit medical student hindi ako nakagawa ng paraan ng mga sandaling iyon para mabigyan ng first aid si Mommy. Wala akong maisip dahil sa mga nangyari. Naging blanko ang utak ko. Wala akong magawa.
“Hanggang sa bigla akong magsisigaw. Ang pagsigaw kong iyon ang naka-attract sa aming kapitbahay. Ito ang unang dumalo at nagdala sa ospital kay Mommy. Kasama ako ng dalhin si Mommy sa ospital. Habang nasa ambulansiya ay nakikita ko ang paglaban ni Mommy. Hawak ko nang mahigpit ang kanyang palad. Sabi ko sa kanya, ‘Mommy huwag kang bibitaw, lumaban ka.’ Sabi ko’y kaila-ngan ko siya. Umiyak na ako ng umiyak.
“Pero hindi na rin nakayanan ni Mommy ang saksak. Malalim at inabot ang maselang organ. Kinabukasan, namatay siya. Gusto ko na ring mamatay nang mga sandaling iyon. Wala na akong tagapagtanggol. Wala nang magmamahal sa akin. Wala na ring kuwenta ang buhay ko. Pero, naisip ko rin naman ang lagi niyang sinasabi sa akin, na lagi raw akong magpakatatag sa lahat ng oras. Tanggapin ko raw nang maluwag sa dibdib ang lahat. Aywan kung bakit nasabi niya iyon. Siguro’y dahil gusto na niyang ipagtapat ang lihim nila ng hayup kong ama…”
(Itutuloy)