Takaw (101)

MATAPOS makumpirma ang damdamin ni Mam Mina, kakaibang lakas ang naramdaman ni Trevor. Walang sinabi si Superman sa nadamang kakaibang lakas.

“O masaya ka na?” Tanong ni Mam Mina.

“Hindi lang masaya kundi malakas na malakas pa. Nagbibigay ng lakas ang sinabi. Kaya kong gawin ang lahat dahil sa sinabi mo.”

“Owww, talaga?”

“Oo naman. Kahit minsan hindi ako nagsisinu­ngaling,”

“Di ba minsan tinanong kita kung bakit wala kang siyota? Hindi mo ako sinagot. Bakit wala kang siyota?”

Nagtawa si Trevor. Talagang wala siyang lusot.

“Sige na Trevor, sagutin mo ako. Gusto ko lang malaman.”

“Gusto ko kasing ma­ging siyota e mas may edad kaysa akin.”

Napahagikgik si Mam Mina.

“Kahit na kasing tanda ko?”

“Oo. Ikaw nga ang gusto ko.”

“Meron ba talagang ganun? I mean totoo bang may na-attract sa mas ma­tanda sa kanya?”

“Totoo at ako nga ay isa roon.”

“Hindi kaya naghahanap ka lang ng pagmamahal ng isang ina? Alam ko, matagal na ring hiwalay ang mommy at daddy mo.”

“Ewan ko. Basta ang nadarama ko sa’yo e hindi para sa isang ina kundi talagang pagmamahal ng isang lalaki sa isang babae.”

Hindi naman nakasagot si Mam Mina.

“Basta ang alam ko, mahal kita. Basta ang alam ko, masaya ako kapag nakikita at naririnig ang boses mo.”

“Pinahahanga mo ako Trevor. Ibang klase kang lalaki…”

Natahimik muli sila.

Si Trevor ang bumasag.

“Talagang naniniwala ka na?”

“Oo. Wala nang duda, Trevor.”

“Salamat naman. Lalo tuloy akong nakadama ng lakas. Siguro mas la­lakas pa ako kung magkakasama na tayo. Ano sa palagay mo?”

“Trevor, di ba sinabi ko naman sa’yo na baka kung ano ang mangyari kapag nagkita uli tayo?”

“Paano tayo? Ganito na lang lagi. Parang hindi ako tatagal na mag-uusap lang tayo nang mag-uusap sa telepono.”

“Trevor…”

“Gusto mo ako ang pumunta diyan sa’yo? Kahit saglit lang basta makita lang kita…”

(Itutuloy)

Show comments