NASIYAHAN si Trevor sa mga sinabi ni Mam Mina. Lalo siyang na-inspired. Oo nga naman, bakit ise-censored agad niya ang sariling akda. Para ano pa at naging manunulat kung siya mismo ang magtatakda ng isusulat. Dapat isulat niya kung ano ang nasa loob niya.
“Mam, salamat sa papuri mo. Ikaw pa lamang ang unang nagsabi sa akin na baka sumikat ako sa pagsusulat.”
‘‘Ow, ako ang una? E ang parents mo. Di ba dapat sila ang unang magpahayag ng pagpuri at panghihikayat sa iyo.”
Napabuntunghininga si Trevor.
“Hindi ganun Mam. Produkto kasi ako ng broken family. Umalis si Mama. Si Papa naman ay naghanap na rin ng iba.’’
‘‘O I’m sorry Trevor,’’ sabi ni Mam.
‘‘Okey lang Mam.’’
“Sabi ko na nga ba’t sa likod ng magaganda mong mga mata ay mayroong lungkot na itinatago. Nasasalamin kong meron kang nililihim, Trevor. Naks, okey na bang mga words ko, Trevor.”
Nagtawa si Trevor.
“Okey Mam. Baka nga po may hilig ka rin sa pagsusulat dahil magaling kang kumatha ng mga salita.”
“Dati nung nasa college parang gusto kong sumulat ng tula o kuwento pero unti-unti ring nawala.’’
“Ako naman Mam ay talagang mahilig na noon pa. Kaya nga lang ay walang nagtutulak sa akin o gumagabay kaya siguro, mahina ang loob ko. Laging naiisip ko, wala yatang kuwenta ang mga sinusulat ko. Kaya yung mga sinulat ko, itinabi ko na lang. Naka-file sa cabinet ko. Madilaw na nga ang ilan dahil matagal na sa taguan. Kapag wala akong magawa, binubuklat ko...’’
‘‘Tama yun. Huwag mong itatapon ang mga writings mo at baka dumating ang panahon e iyan ang magdala sa’yo sa tagumpay. Kahit na hindi pa ako nakakabasa ng mga sinulat mo, palagay ko mahusay ka talaga, Trevor…’’
‘‘Salamat uli, Mam Mina.’’
‘‘Email mo kaya sa akin ng mga sinulat mo na. Babasahin ko.’’
‘‘Sige Mam,’’ sabing nasisiyahan ni Trevor. “Tapos Mam, magbigay ka ng comment.’’
“Sige. E-mail mo sa akin ngayon na. Ibigay ko sa’yo ang email ko.’’
Natapos ang pag-uusap nila. Agad na ipinadala ni Trevor ang isang akda niya. Ang ak dang iyon ang unang-una niyang ginawa. Kahihiwalay lamang ng kanyang daddy at mommy noon.
Nang ma-email ni Trevor ang akda, ay nakadama siya ng hindi maipaliwanag na kasiyahan. (Itutuloy)