Takaw(60)
PATULOY sa pagkukuwento si Lola Imang. Hindi raw niya malilimutan ang mga sinabi ng kapatid na si Dionisio habang nakakulong sa munisipyo.
“Nagdilim na raw ang isip niya nang makita ang ginagawa ng dalawa. Hindi na siya nakapag-isip. Hindi na raw niya nakontrol ang sarili kaya walang patumangga ang ginawa niyang pagtaga. Hindi raw siya masamang tao at lalong hindi niya gustong mapatay ang anak. Kaya lamang daw ay sobra na ang kanyang nadamang pagkaapi. Nagpapakahirap siya sa pagtatrabaho sa kaingin at pagkatapos ay winawalanghiya pala siya.
“Umiyak pa si Dionisio. Ako man ay umiyak din. Alam ko, mabait ang kapatid. Minsan-minsan, may baltik siya pero sa kabila niyon mabait yun. Kahit anong meron siyang ani sa kaingin at sa kanyang gulayan, binibigyan ako. Lagi siyang handang magbigay. Kaya nga sobra ang aking nadamang awa nang nasa kulungan siya. Kasi naman ay matanda na rin para makulong.
“Pero sabi rin naman niya, siguro raw ay ganun talaga ang kanyang pa-lad. Baka raw nasa guhit na ng kanyang palad na siya ay makapatay. At nahalata ko rin sa kanya na nagsisisi kung bakit si Lolit pa ang kanyang napangasawa. Sana raw ay iba na lang.
“Gusto ko nang sabihin kay Dionisio na noon pa mang iuwi niya si Lolit ay masama na ang pakilasa ko sa babaing iyon. Ayaw ko lamang siyang sansalain at baka ako ay pagsalitaan niya nang hindi maganda pero unang tingin ko pa lang kay Lolit ay parang madaling bibigay. Mukhang makati. Para bang magaslaw at sanay nang makipagharutan sa lalaki. Pero hindi ko na nga lang sinabi kay Dionisio ang mga iyon.
“At pati na rin ang pagkakahuli ko kina Lolit at Alex na nagdadale noon sa kuwarto, ay hindi ko na rin sinabi pa. Naisip ko na magdadagdag lamang sa kirot na nadarama ni Dionisio. Baka lalong mawalan ng pag-asa. Sabi ko, kapag nasa hukuman na ang kaso niya ay saka na lamang ako tetestigo at palagay ko naman ay mapapawalang-sala siya dahil pinugayan siya ng dangal.
‘‘Ang isang pinagsisisihan ni Dionisio ay ang pagkakapatay sa anak na si Alex. Hindi niya matanggap iyon. Siguro ay kung si Lolit lang ang kanyang napatay baka hindi labis na dinamdam ang pangyayari.
‘‘Makalipas ang tatlong araw mula nang maganap ang pagpatay, natagpuan si Dionisio na patay sa kanyang selda sa munisipyo. Nagpakamatay. Iyak ako nang iyak na napasugod sa munisipyo. Kawawa naman ang kapatid ko. Tinapos ang sariling buhay dahil hindi nakayanan ang lahat...’’ (Itutuloy)
- Latest
- Trending