Takaw (58)

“SINONG napatay?” Tanong ko sa binatilyo. Hindi raw niya alam. Basta duguan daw ang itak na hawak at nakaupo nga sa baytang ng hagdan. Pagkatapos ay mabilis nang umalis ang binatilyo.

“Ako ay hindi agad nakakilos pagkaraan niyon. Ayaw kong paniwalaan ang sinasabi ng aking isip na ang napatay ni Dionisio ay si Lolit pero iyon ang giit na sinisigaw. Hesus na panginoon, nangyari na nga ang kinatatakutan ko. Ito na nga ang lagi kong iniisip na baka isang araw ay may mangyaring malagim dito sa aming lugar.

“Nangangatog ang aking mga tuhod nang ma­naog sa bahay. Kaila-ngang mapuntahan ko si Dionisio at malaman ang pangayayari.

“Habang papalapit ako kina Dionisio ay parami naman nang parami ang mga taong patungo roon para makiusyuso. Parang tinatambol ang dibdib ko. Tiyak ko, ang matalas na itak ang ginamit ni Dionisio.

“Nakalapit ako sa bahay. Inabutan ko si Dionisio na nasa hagdan pa ng bahay. Nakatungo. Hawak pa ang itak na duguan.

“Kinausap ko siya. Ano ang nangyari? Pero ang tanging nasabi ni Dionisio ay niloko raw siya.

“Hanggang sa may dumating na mga barangay tanod at kasunod ay mga pulis. Maayos namang sumuko si Dionisio. Kinuha ang itak. Pinosasan. Umakyat ang mga pulis sa bahay. Pagbaba ng dalawang pulis ay umiiling.

“Sabi ng pulis ay grabe raw ang nangyari. Pugot ang ulo ng babae. Ang lalaki naman daw ay patay din dahil sa taga.

“Dalawa ang napatay. Si Lolit at Alex! Diyos kong mahabagin. Maya-maya pa, may dumating na pickup. Kinuha na ang mga bangkay. Isinakay naman sa owner jeep si Dionisio.”

(Itutuloy)

Show comments