Takaw (55)

‘‘PAANO mo nahuli ang dalawa, Lola Imang?’’ ta­nong ni Trevor na para bang atat na atat na malaman ang mga nangyari sa buhay ni Dionisio.

“Sa iyo ko lang ito naikuwento, Trevor. Maski sa mga pulis na nag-imbestiga sa krimen, hindi ko ito nasabi. Akala ko kasi, tatagal pa si Dionisio at mahaharap pa sa paglilitis pero hindi na pala dahil nagpa-kamatay nga habang nasa piitan sa munisipyo. Kaya sinarili ko na lang. Saka nakakahiya rin naman ang nangyaring iyon…”

“Paano mo nahuli ang dalawa, Lola Inang?”

“Mula kasi nang maghinala ako na sa banyo sila nagdadale, lihim na akong nagmatyag. Aywan ko ba kung bakit ganun na lamang ang pagnanais na mahuli ko ang dalawa at nang makagawa ng paraan na mapaglayo sila. Baba­laan ko sila na tigilan na ang kanilang ginagawa. Kasi nga’y naiisip ko na baka matiyempuhan sila ni Dionisio ay masama ang kahan­tungan. Kasi, alam ko rin naman kung paano magalit si Dionisio.

“Nahuli ko nga ang da­lawa. Nagdadale talaga. Nag­ tungo ako sa bahay ni Dionisio para kunwari ay manghiram ng sako ng palay. Pero iyon ay dahilan ko lang. Gusto lang na mahuli ang dalawa.

“Tahimik na tahimik na naman sa bahay. Parang walang tao. Sa likod ako nagdaan at baka nasa banyo ang dalawa. Pero wala sa banyo dahil bukas iyon. Pero napansin ko na basang-basa ang banyo at sumasamyo ang sabon. Ibig sabihin, katatapos lang gamitin ang banyo. Kaliligo lamang nila.

“Hula ko ay nasa loob sila ng bahay. Hindi na ako tumawag. Kung tatawag ako, maaaring makagawa ng paraan ang dalawa. Umakyat ako nang marahan sa bahay. Walang tao sa kusina. Wala rin sa kapiranggot na sala. Napagtuunan ko ang kuwarto. Nakasarado. Palagay ko ay nasa loob ang dalawa. Nakiramdam ako. Wala naman akong naririnig mula sa loob. Siguro’y dahil sa kulong na mabuti ang kuwarto. Lawanit ang dingding ng kuwarto.

“Lumapit ako sa pinto. Dahan-dahan ang pag­lakad ko sa sahig na ka­wayan at baka lumangit-ngit. Hindi ako humihinga habang nasa harapan ng pinto ng kuwarto. Nagdadalawang isip ako kung gagawin ko ba ang sinasabi ng isip ko. Hanggang sa nasumpungan ko na lamang na sinusubukang itulak ang pinto ng kuwarto…”

(Itutuloy)

Show comments