Takaw (44)
GUSTO ni Trevor Buenviaje ang trabahong iyon – ang magsaliksik ng mga pangyayari ng mga kakaibang pangyayari. Kahit pa malayo ang lugar sasaliksikin niya para makuha ang totoong istorya. Hindi siya katulad ng ibang manunulat na umaasa lamang sa sabi-sabi na kadalasang marami nang naidagdag sa totoong nangyari. Gusto niyang makausap mismo ang totoong nakasaksi sa krimen o ang mismong kamag-anak o kaya ay kaibigan, katulad ng nangyari sa isang bayan sa Laguna, kung saan nga ay nagkaroon pa siya ng “one-night stand” sa asawa ng traysikel driber. Napangiti naman ng lihim si Trevor nang maalala ang pangyaya-ring iyon. Siguro naman sa pagtungo niyang ito sa Batangas ay wala siyang makaka-one-night stand.
May sabong nang dumating siya sa bayan na iyon sa Batangas kaya maraming tao. Marami rin ang traysikel. Sabi ng kaklase niyang si Tisoy, magtanong na lang daw sa traysikel drayber kung saan ang patungo sa barangay na sadya. Tiyak daw na alam ng traysikel drayber ang lugar.
Inilabas muna ni Trevor ang maliit niyang notebook kung saan nakasulat ang pangalan ng barangay at ang apelyido ng taong sadya niya. Nakasulat din doon kung kailan nangyari ang krimen.
Isang traysikel na hindi nakapila ang nilapitan niya. Bigotilyo ang drayber.
“Pare, alam mo ba ang Barangay Guyam?”
Parang nagulat ang drayber sa pagtatanong niya.
“Ha, a e Guyam Bago o Guyam Luma?” tanong nito.
“Hindi ko alam kung Gu-yam Bago o Guyam Luma.”
“Ala ay mahirap ‘yan.”
“Etong apelyido na ito, kilala mo?” Ipinakita ang nakasulat.
“Hindi.”
Naisip ni Trevor na tila mahihirapan siya. Mukhang walang alam ang drayber. Baka bago lang dito sa lugar.
Pero nabuhayan si Tre-vor ng pag-asa nang may sabihin ang drayber.
“Teka at itatanong ko dine kay Sixto at baka alam niya ang apelyidong yaan.”
Tinawag ang nakaparada ring drayber.
“Hoy Sixto parine nga at may itatanong laang si Sir.”
Lumapit si Sixto.
“Kilala mo baga ireng apelyido na ire kung saan sa Barangay Guyam?
Sinipat ni Sixto ang nakasulat na apelyido.
“Sa Guyam Luma, yan. Yung nasa malapit sa may malaking Baliti. Yung maraming pinyahan at maisan.”
“O alam pala ni Sixto. Ikaw na ang maghatid kay Sir.”
“Medyo malayo yan Sir.”
“Ako nang bahala sa’yo Sixto. Basta ihatid mo lang ako roon. Importante lang.”
Napakamot sa tiyan si Sixto.
“E paano ga ire e palabas na ang mga nagsa-bong…”
“Ihatid mo na at sayang baka bayaran ka ni Sir nang ayos.”
“Puwede na bang P200 hanggang doon?”
Napamulagat si Sixto nang marinig ang P200.
“Ala’y sige. Kahit malayo pagtitiyagaan ko na.”
Napangiti si Trevor. Sumakay siya sa traysikel. Nakamaang naman ang unang drayber na pinagtanungan niya. Nanghihinayang siguro.
Malayo nga ang lugar. Ang dinaanan nila ay taniman ng pinya at mga mais ay may bahaging mara-ming mangga. Maganda ang kalsada. Bihira ang mga nakakasalubong nilang sasakyan.
Narating nila ang lugar. Nakita niya ang malaking puno ng Baliti.
“Diyan ang bahay ng hinahanap mo. Dito ay pawang magkakamag-anak ang nakatira. Magtanong ka na lang Sir.”
“Salamat, Sixto.”
Sa halip na P200 ginawa niyang P300 ang binigay kay Sixto. Tuwang-tuwa ito.
Bumaba na si Trevor Buenviaje. Bakit kinaka-bahan siya?
(Itutuloy)
- Latest
- Trending