Takaw (26)
NAPANSIN ni Trevor Buenviaje na malapit na sila sa Maynila. Mabilis ang bus na sinasakyan nila ni Manong Rod. Hindi niya namalayan ang paglalakbay nila dahil sa magandang kuwento ni Manong Rod. Nagsisi pala ito sa mga nagawang kasalanan at naisaayos muli ang buhay. Nang makabalik sa munisipyo ay nangakong hindi na mauulit ang mga ginawang kapabayaan sa trabaho.
“Naging maayos ang buhay ko mula noon pero may kulang. Wala akong asawa at ang aking mga anak ay may tampo sa akin. Hiniling ko sa Diyos na sana ay mapatawad nila ako.
“Sinubukan kong gumawa ng sulat at ipinadala sa aking asawa na nasa Brisbane. Sa ginawa kong sulat, sinabi ko na nagsisisi na ako sa mga nagawang kasalanan. Patawarin na niya ako. Hindi na mauulit ang mga nangyari. Ikinuwento ko rin ang pagsali sa isang Christian group at ganap na nakita ang pagpapala ng Diyos.
“Lumipas ang isang buwan at wala akong natatanggap ni anuman sa aking asawa. Gumawa muli ako ng sulat. Ikinuwento ko ang mga nangyayari sa akin. Sabi ko’y madalas akong nasa church. Patuloy akong nananalangin na sana ay patawarin na niya.
“Naghintay uli ako pero walang sagot. Pero hindi ako sumuko. Gumawa muli ako ng sulat. Humihingi uli ng tawad sa asawa ko. Sabi ko kung ang Diyos ay nagpapatawad, sana siya rin. Alam kong masakit ang aking nagawa pero ang mga iyon ay akin nang napagsisihan. Bigyan niya sana ako ng isa pang pagkakataon…
“After one month, sinagot ako ng Diyos. Pag-uwi ko ng bahay ng hapon na iyon na galing sa trabaho, nasa bahay na ang misis ko. Pagpasok ko pa lamang sa gate ay kinabahan na ako. Pagpasok ko sa pinto, nakita ko sa salas ang malaking luggage. Wala namang tao sa salas. Nang sumilip ako sa kitchen, wala rin.
“Nagtungo ako sa aming kuwarto. At labis-labis ang nadama kong kaligayahan sapagkat naroon ang aking asawa. Nakaupo sa kama. Basta ganun lang. Nilapitan ko. Tinabihan ko sa pagkakaupo. Dahil sa pagkasabik ay inakbayan ko. Ang una kong nasabi sa kanya ay: ‘pinatatawad mo na ba ako? Mahal mo pa rin ba ako?’
‘‘Tumango siya. Iyon ang hudyat at niyakap ko na siya at pinaghahalikan. Talo ko pa ang nanalo sa lotto dahil sa walang katulad na kasiyahan na nadama ko. Para bang nabunutan ako nang napakahabang tinik sa ulo. Kasunod niyon ay tahimik akong umusal ng pasasalamat sa Diyos. Isang himala na naman ang ginawa sa akin.’’
Napansin ni Trevor na nasa Gil Puyat Ave. na sila.
Kinamayan ni Trevor si Manong Rod.
‘‘Napakaganda ng kuwento mo Manong Rod. Sana magkita pa tayo para mabigyan kita ng kopya ng susulatin kong koleksiyon.’’
‘‘Ibigay mo sa akin ang contact number mo Trevor. Gusto ko magkaroon ng kopya ng akda mo. Ano bang title ng akda mo?’’
“TAKAW po. Ito po ay Ku wento ng mga Magkakalaguyo.’’
“Ganda ah. Dapat pala magkaroon ako ng kopya. Ang ganda siguro ng mga nilalaman niyan.’’
‘‘Hayaan mo Mang Rod at irereserba kita ng kopya.’’
Tumigil ang bus sa terminal nito sa Taft Ave. cor. Gil Puyat.
Bumaba ang dalawa. Kinamayan uli ni Trevor si Mang Rod at naghiwalay na sila.
Bukas maghahanap na naman ng isa pang kuwento si Trevor Buenviaje.
(Itutuloy)
- Latest
- Trending