SINORPRESA si Lorena ng kanyang mga “naisalbang babae” sa Binondo. Hindi niya akalain na sa gabing iyon ng kanyang birthday ay bibigyan siya ng programa nina Lea, Pau, Ara, Angela, Kelly at Encar. Tanging si Lyra na nasa Australia ang wala pero, ng oras ding iyon ay tumawag ito sa telepono at binati siya.
Ganito ang nangyari ng gabing iyon Habang kumakain sila kasama ang anak na si Edel, Viah at ina na si Celia ay biglang namatay ang ilaw. Madilim na madilim sa kitchen.
“Ay brownout pa yata. Kung kailan pa meron akong mga bisita,” nasabi ni Lorena. Wala namang kakibu-kibo ang mga kasama sa mesa. Ni kaunting ingay ay walang marinig.
Hanggang makarinig sila ng sabayang pagkanta. Ang paboritong awitin ni Lorena ang kinanta. Tamang-tama ang tiyempo. Para bang pinagpraktisan nang matagal ang pagkanta.
Nang matatapos na ang pagkanta ay unti-unti namang nagsindi ang ilaw sa kitchen. At nalantad ang mga “babaing isinalba” niya. Nagpalakpakan ang mga ito at isa-isa ay bumati at humalik kay Lorena. Matapos iyon ay tumawag mula sa Australia si Lyra. Kaya para na ring kumpleto ang mga “alaga” ni Lorena.
“Sinorpresa n’yo ako. Pinaligaya n’yo ako.”
Palakpakan uli.
“Kulang pa po ‘yan, Ate Lorena. Sa laki po ng ginawa mo sa aming buhay, kulang na kulang pa ang aming ginawa,” sabi ni Lea.
“Hindi ka po naming malilimutan, Ate. Dahil sa iyo napaunlad naming ang aming buhay,” sabi ni Pau.
“Kung mayroon pong dapat parangalan sa Pilipinas, ikaw po yun Ate,” sabi naman ni Ara.
“Habambuhay ko pong tatanawin ang utang na loob sa iyo, Ate,” sabi ni Kelly.
“Wala kang katulad, Ate,” si Angela ay umiiyak na yumakap kay Lorena. Si Angela ang tanging kasama ni Lorena sa bahay.
Si Encar ay masyadong naging emosyonal. “Kung wala ka Ate Lorena, hindi ko alam kung ano na ang nangyari sa akin. Napakabuti mo. Wala kang katulad. Salamat sa Diyos at ipinadala ka sa amin. Naniniwala ako na sinugo ka ng Diyos kaya ka nakarating sa aming kinalalagyan sa Binondo.”
Lahat ay natahimik. Sa pagkakataong iyon ay para bang may isang makapangyarihang puwersa na nakalukob sa kanila. Parang ninanamnam nila ang mga sinabi ni Encar.
Umiyak si Lorena. Pero iyon ay iyak ng kaligayahan. Hindi siya nabigo sa kanyang pangarap na mailagay sa ayos ang buhay ng kanyang mga “naisalbang babae”.
(Tatapusin)