“AYON po kay Mama, lumipas ang isang linggo na wala siyang natanggap na impormasyon mula kay Papa. Hindi raw niya maiwasang isipin na baka hindi naibigay ni Mang Nilo ang sulat kay Papa. Baka raw nakita ni Misis Chan ang sulat kay Mang Nilo at itinapon na lamang ito. Naisip din naman daw ni Mama na baka kusang ibinigay ni Mang Nilo ang sulat kay Misis Chan. Si-yempre, ang katapatan ni Mang Nilo ay na kay Misis Chan.
“Sabi raw ni Lolo, huwag masyadong asahan at baka masaktan lang si Mama. Sabi naman ni Lola, huwag masyadong isipin ni Mama si Papa at baka makasama sa dinadala. Kung talaga raw mahal ni Papa si Mama, darating ito. Kung talagang totoo ang mga sinabi noon, bigla na lamang itong susulpot.
“Eksaktong dalawang linggo ang nakalipas nang isang umaga raw ay big-lang dumating si Papa. May dalang bag na halatang damit ang laman. Ganoon na lamang daw ang tuwa ni Mama. Hindi raw agad nakarating si Papa dahil namatay ang ama nito. Kalilibing lang daw.
“Mabilis ang pasya ni Papa. Magpapakasal daw sila sa huwes. Hindi na naman daw sila menor de edad. Bago raw mahalata ang paglaki ng tiyan ni Mama ay kailangang kasal na sila.
“Napaiyak daw si Mama. Hinangaan niya si Papa sa matatag nitong desisyon.
“Nakasal daw sila sa huwes. Makaraan ang isang araw, pinagbihis ni Papa si Mama. Pupunta raw sila sa kanilang bahay para ipaalam kay Misis Chan na kasal na sila.” (Itutuloy)