Ganti(106)
“HINDI raw inilihim ni Ma-ma kina Lolo at Lola ang kanyang nararamdaman. At agad nagkaroon ng konklusyon si Lola na buntis si Mama. Pero para makatiyak ay sinamahan ni Lola at Lolo si Mama sa isang klinika para makagpa-check-up. Positive. Buntis si Mama.
“Hindi na raw nagta-nong pa sina Lolo at Lola kung bakit nangyari iyon. Nauunawaan nila. At tanggap naman nila si Papa para kay Mama. Pero ganoon pa man, nasa kanila pa rin ang takot sapagkat maaaring gawin ni Misis Chan ang lahat para mahadlangan si Rafael na panagutan si Mama. Lahat ay posible lalo pa sa katulad ni Misis Chan na walang pakikipagkapwa-tao.
“Pero matatag si Mama. Malaki ang paniniwala niya na kahit hadlangan pa ng tangke si Rafael ay gagawin ang lahat para lamang mapanagutan siya. Tiyak na kapag nalaman ni Papa na buntis siya ay gagawa ito ng paraan para sila magkita at magkasama na pangha-bambuhay.
“Ang naging problema raw ni Mama ay kung paano sila magkakaroon ng komunikasyon ni Mama. Hindi niya alam ang address nito sa Maynila. Hindi rin niya alam ang telepono.
“Naisip daw ni Mama na kailangang gumawa siya ng paraan para malaman ni Papa ang kalagayan niya. Isang umaga raw ay nagpaalam si Mama kay Lola para magtungo sa bahay nina Papa. Napakunot-noo raw si Lola kung bakit pupunta si Mama sa bahay nina Papa. Ano raw ang gagawin doon? Baka kung ano ang gawin ni Misis Chan sa kanya? Tama na raw ang pang-aapi ni Misis Chan. Pero sabi ni Mama, kaya niyang pangalagaan ang sarili. Hindi naman daw siya basta-basta magpapakita roon kundi mag-oobserba lamang. Huwag daw mag-alala si Lola at mag-iingat siya. Bago umalis ay isang sulat ang ginawa ni Mama para kay Papa.
“Tamang-tama raw ang pagpunta ni Mama sa bahay nina Papa. Malayo pa raw ay nakita na niya ang drayber nina Papa na nasa may gate ng bahay at may hinihintay. Nakaparada ang L-300 sa di-kalayuan. Tila paalis sapagkat buhay ang makina. Matagal na niyang kilala si Mang Nilo, ang drayber nina Papa. Nag-obserba muna si Mama at nang makita na walang tao ay mabilis na lumapit kay Mang Nilo.
“Nagulat si Mang Nilo nang makita si Mama. Tinanong ni Mama kung kailan luluwas si Mang Nilo sa Maynila. Sagot daw ni Mang Nilo ay sa oras ding iyon. Hinihintay lang si Misis Chan na nagbibihis pa. Mabilis na inilabas ni Mama ang sulat at ipinakiusap kay Mang Nilo na iabot kay Rafael. Nakiusap daw si Mama kay Mang Nilo. Mahalagang-mahalaga lang. Nangako si Mang Nilo na ibibigay iyon kay Rafael. Pagkatapos ay mabilis na umalis si Mama.”
(Itutuloy)
- Latest
- Trending