“HINDI raw makakain si Mama dahil sa nangyari. Hindi raw kasi niya akalain na ganoon kabilis ang desisyon ni Misis Chan na paalisin siya. Sibak agad siya at wala nang pali-paliwanag pa. Ni hindi nga raw niya alam kung ano talaga ang buong dahilan at biglaan siyang pinalayas. Hindi pa rin siya sigurado kung ang pag-iibigan nga nila ni Papa ang dahilan kaya siya pinaalis. Malabo pa rin sa kanya. Pero sa kabiyak daw ng kanyang utak ay malakas ang bulong na isinumbong siya ng sipsip na katulong. Marahil, nakita sila ni Papa na nag-uusap at gumawa agad ng kuwento. Iyon ang hinala niya.
“Nang ayaw siyang kumain ay nabahala na ang nanay at tatay niya (ang aking lola at lolo). Wala raw mangyayari kung la-ging iisipin ang nangyari. Kalimutan na raw niya iyon sapagkat wala namang kahihinatnan ang lahat. Ipinaliwanag naman ni Mama na nagmamahalan sila ni Rafael. Nangako ito sa kanya na siya lamang ang mamahalin.
“Napailing lamang daw ang tatay ni Mama. Hindi naniniwala na ganoon kaseryoso ang lalaking minahal ni Mama. Meron daw bang lalaking mayaman na nagtotoo sa isang katulong na mahirap pa sa daga? Pero ipinagtanggol ni Mama si Rafael. Hindi raw ito manloloko. Seryoso ito at handang ipaglaban ang kanilang pag-iibigan.
“Napailing-iling lang daw ang tatay ni Mama. Maski ang nanay ni Mama ay hindi rin naniniwalang seryoso ang anak ng mayamang Intsik. Pinaglaruan lamang daw nito si Mama. Imposible raw ang sinasabi ni Mama.
“Pinayuhan daw si Mama na kumain at ayusin ang sarili. Dapat din daw isipin ni Mama ang sarili at hindi ang lalaking mayaman.
“Litung-lito si Mama. Hindi naman niya masisisi ang mga magulang sapagkat nalalaman ng mga ito kung anong klaseng tao si Misis Chan. Matapobre ito. Para raw hindi galing sa hirap. Nakatuntong lang daw sa kalabaw ay naging mas malaki pa sa kalabaw. Pero mahirap alisin sa isip si Rafael. Pakiramdam daw ni Mama, masisiraan siya ng ulo.
“Pero makalipas daw ang tatlong araw ay may isang lalaking dumating sa kanila. Nag-tao po. Ang nanay ni Mama ang dumungaw sa bintana ng kanilang kubo. Hindi kilala ng nanay ni Mama ang dumating na lalaki kaya tinawag si Mama para ito makilala.
“Ganoon na lamang daw ang pagkagulat ni Mama nang makita ang dumating. Si Rafael!”
(Itutuloy)