PATULOY sa pagkukuwento si Viah kay Lorena tungkol sa pag-iibigan ng mama at papa nito.
“Hindi raw po talaga maipaliwanag ni Mama ang kanyang naramdaman ng araw na magtapat si Papa sa kanya. Kapag daw po pala punumpuno ka ng pag-ibig, hindi mo na maiisip ang mga maaa-ring mangyari. Hindi raw naisip ni Mama na maaa-ring palayasin siya ni Mi-sis Chan kapag nalaman ang pagkakaroon nila ng relasyon ng anak nito. Basta ang nadama niya ay maligayang-maligaya sila pareho.
‘‘Nang muli raw magbalik sa Maynila si Papa para mag-aral (second semester) ay nagpaalam ito sa kanya. Palihim silang nag-usap sa likod ng bahay kung saan ay nagla-laba si Mama. Sabi raw ni Papa kay Mama, huwag itong magbabago. Babalik siya pagkaraan ng anim na buwan. Sabi naman ni Mama, baka raw si Papa ang magbago dahil maraming magagandang babae sa unibersidad at matatalino pa. Siya raw ay katulong lamang at walang maipagmamalaki.
“Pero mariin daw ang sinabi ni Papa na hindi siya magbabago. Basta hintayin daw ang pagbalik niya after six months. Hindi raw siya makakasulat sapagkat maaaring mabasa pa ng kung sino ay lalo lamang magkaroon ng problema. Basta sila na lamang ang nagkakaintindihan.
“Napaiyak daw si Mama pero hindi iyak ng kalungkutan kundi kaligayahan dahil nangako si Papa na babalik at siya pa rin ang babaing mamahalin. Dama raw ni Mama ang katotohanan sa boses ni Papa.
“Mula raw noon ay wala nang hinintay si Mama kundi ang paglipas ng buwan. Gusto niya dumating agad ang araw ng pagbalik ni Papa para magkasama at magkausap sila. Naging inspirado naman daw siya habang naglilingkod kina Misis Chan. Kahit na mabigat ang trabaho sa bahay ay balewala sa kanya.
“Kahit na raw pinagsusungitan siya ni Misis Chan ay pinalalampas na lang niya. Hindi siya nasasaktan. Mas nangingibabaw ang nadarama niyang pag-ibig sa anak ni Misis Chan.
“Minsan daw ay narinig ni Mama ang pag-uusap ni Misis Chan at asawa nitong Intsik na si Mang Tiago. Nagtatalo raw ang dalawa tungkol sa anak na si Rafael o Apa. Gusto ni Misis Chan na huwag nang pauwiin si Apa sa second semester para makatipid. Pero tutol daw si Mang Tiago dahil kawawa naman daw na hindi makapag-enjoy sa summer ang anak’’.
Apektadung-apektado raw si Mama sa balak ni Misis Chan sapagkat maaaring hindi sila magkita ni Papa. Dasal daw nang dasal si Mama na magbago ang pasya ni Misis Chan. (Itutuloy)