PATULOY si Viah sa pagkukuwento kay Lorena. At tila sabik na sabik naman si Lorena na malaman ang buong istorya ng mama ni Viah.
“Tuwing semestral break daw po ay umuuwi ang dalawang anak ng kanyang amo na pawang nag-aaral sa Maynila. Sa magandang school nagsisipag-aral ang dalawang anak.
“Ang anak na babae ay nag-aaral daw ng Nursing samantalang ang lalaki ay kursong preparatory sa Medicine. Balak daw magdoktor ang lalaki.
“Pagkukuwento ni Mama, nang una niyang makita ang anak na lalaki ng kanyang amo ay para raw siyang naging estatwa. Paano’y nginitian daw siya nito at talaga raw napakagandang ngumiti dahil may biloy sa sulok ng bibig. Nang mga sumunod na araw daw ay lagi niyang nakikita ang anak ng amo na namamasyal sa bakuran at tuwang-tuwa habang pinanonood ang mga ibon na nakadapo sa puno ng mangga. Kung minsan daw ay gagawi ito sa likod ng bahay at sisilipin ang malalim na balon na pinagkukunan ng tubig na ipinanglalaba.
“Minsan daw, habang siya ay sumasalok ng tubig ay lumapit ang anak ng amo at tinanong kung bakit kailangang sumalok pa ng tubig sa balon ay malakas naman ang tubig sa gripo.
“Sagot naman daw ni Mama ay iyon ang utos ni Misis Chan. Huwag daw gagamit ng tubig mula sa gripo dahil naka-metro. Gumamit ng tubig balon sa paglalaba at ganundin sa pagdidilig.
“Napailing-iling daw ang anak ng amo. Halatang hindi sang-ayon sa ipinatutupad ng ina. At ang sabi raw ng anak ng kanyang amo, ang tubig sa balon ay ginagamit lang sa emergency. At saka raw hindi maganda ang tubig sa balon kapag ginamit sa paglalaba...”
Nagtanong si Lorena kay Viah.
“E ano ba ang pangalan ng anak ng amo?”
“Rafael po. Apa po ang nickname.”
“E di ang Rafael o Apa na ito ang iyong papa?”
“Opo.”
“Nagkagustuhan po sila ng mama ko.”
“Nakakakilig naman ang istorya ng mama mo at ni Apa. Siguro ay talagang guwapo si Apa ano. At nahuhulaan ko, kamukha mo siya.”
“Kamukha ko nga po. Nakuha ko po ang biloy niya sa pisngi.”
“Puwede ka ngang artista, Viah. Mas maganda ka pa nga kaysa kay Kim Chiu.”
“Hindi naman po.”
“Paano naman naging magkasintahan ang mama mo at si Apa?”
“Napakaganda po ng istorya nila. Sabi po ni Mama, hinding-hindi niya malilimutan.”
“Nasasabik talaga ako, Viah. Sige ikuwento mo na.” (Itutuloy)