“BAKIT para kang natulala, ‘Ma? Sinabi ko lang na sa isang linggo ko dadalhin ang magiging manugang e hindi ka na nakapagsalita,” sabi ni Edel sabay akbay kay Lorena.
“E kasi naman ay napakabilis. Wala naman akong alam na nililiga-wan ka.”
“’Ma lahat ngayon ay mabilis. Sa tinginan lang ng babae at lalaki nagkakasundo na sila.”
“Baka naman hindi mo makasundo kapag ganoon kabilis ang pagkikilala.”
“Magkasundung-magkasunod kami nitong babaing ipakikilala ko sa’yo. Sigurado ako na magugustuhan mo siya…”
“Sige nga dalhin mo rito.”
“Magugulat ka, ‘Ma.”
Nag-isip si Lorena. Bakit kaya siya magugulat?
Bago dumating ang Linggo ay pinakiusapan na ni Lorena ang dalawang katulong na pakintabin ang sahig at lagyan ng bagong kurtina ang salas.
“May darating na bisita si Edel kaya ko kayo pinaglilinis. Nakakahiya naman na makitang maalikabok dito.”
Nang malinis na ang salas ay ang comfort room naman ang ipinalinis niya.
“Baka biglang gumamit ng CR ang bisita e makitang marumi e may masabi sa atin. Kailangang mapu-ting-maputi ang inidoro ha?”
Kasunod niyon ay ang pag-iisip niya ng ipakakain sa bisita. Sabi ni Edel ay dinner daw niya dadalhin ang babae. Hindi niya malaman kung ano ang ipaluluto. Baka hindi kumakain ng isda? O baka naman vegetarian? Baka ayaw ng kanin at sandwich lang ang kakainin? Ano kaya?
Kinausap niya si Kelly. Si Kelly na lamang ang kasa-ma niya sa bahay. Si Angela ay nasa San Pablo na sapagkat siya ang manedyer ng INASAL Branch doon. Doon na ito nagbo-board. Balita ni Lorena na balak na ring mag-asawa ni Angela.
Si Kelly na lamang ang walang balak mag-asawa.
“Ano sa palagay mo magandang lutuin, Kelly. Darating sa Linggo ang magiging manugang ko.”
Napamulagat si Kelly.
“Si Edel mag-aasawa na?”
“Malapit na. Kaya ikaw na lamang ang matitira na walang asawa rito.”
“Si Ate naman ako agad ang nakita. Mag-aasawa rin ako pero hindi ko alam kung kailan.”
“Ano bang puwede na-ting lutuin sa hapunan sa Linggo?”
“Akong bahala, Ate. Sanay na sanay na ako riyan. Ipaubaya mo sa akin. Para ba sa ilang tao?”
“Para sa atin lang.”
“Diyos ko, akala ko ba naman e maraming darating.”
“Ipakikilala nga lang sa akin ang babae.”
“Huwag ka nang mamroblema at ako nang bahala.”
Napayapa si Lorena.
Linggo ng hapon ay hindi mapakali si Lorena. Ano kaya ang hitsura ng babae? Mabait kaya? Maunawain kaya?
(Itutuloy)