NAPAKAGANDA ng sinabi ni Edel na “pagkain naman para sa ulo” ang kanilang gagawing negosyo. Kung paano naisip ni Edel ang ganoong ideya ay hindi alam ni Lorena. Hindi abot ni Lorena ang mga gustong mangyari ng anak sa hinaharap pero ang isang malinaw, marami na naman silang mabibigyan ng trabaho. Kung may dapat bigyan ng pagkilala bilang mahusay na entrepreneur, iyon ay walang iba kundi ang kanyang anak. Mahusay mag-isip ng negosyo. Pinahanga talaga siya.
Nananalaytay kay Edel ang dugo ng pagiging negosyante. Pero sa tingin ni Lorena, mas nahigitan pa nito ang nalalaman ng amang Intsik. Ang ama ni Edel ay salat pa rin sa kaalaman at limitado ang nalalaman sa negosyo. Hindi nag-branchout. Ayaw pakawalan ang nalalaman pa. Kay Edel, lahat ng posibilidad ay sinubok. Maru-nong magplano. Nakatuon ang tingin sa dako pa roon at hindi lang sa mismong nasa harapan niya.
Makalipas lamang ang ilang buwan ay mayroon nang bookstore sa Nagcarlan. Kauna-unahang bookstore. Maliit lang ang tindahan pero maraming libro. Bukod sa mga libro, may mga tinda ring gamit para sa mga estudyante —notebook, ballpen, paste, at iba pa. Lima ang empleado ni Edel. Si Edel mismo ang operating officer. Nakatutok sa galaw ng negosyo.
“Sa umpisa ay kaunti muna pero malaki ang posibilidad na lumaki ito, ‘Ma.”
“Katulad ng National Bookstore?”
“Ayon sa nabasa ko, nagsimula rin sa maliit ang National. Mahusay kasi ang may-ari niyon. Matiyaga.”
“Kaya mo rin, Edel na lumaki ito. Mahusay ka rin at matiyaga di ba?”
“Kayang-kaya, ‘Ma.”
“Alam mo Edel, mara-ming natutuwa na nagkaroon ng bookstore dito sa atin. Meron na raw silang mabibilhan ng libro at magasin para mabasa.”
“Na-research ko nga ‘Ma na ang mga Pinoy ay mahilig magbasa. Kahit na mayroon nang internet, ang popularidad ng libro at magasin ay hindi kumukupas.”
“Baka naman kapag lumaki na itong negosyo mo e malimutan mo na ang pangako sa akin?”
“Anong pangako, ‘Ma?”
“Na mag-aasawa ka na kapag established na ang negosyo.”
Nagtawa si Edel.
“Bakit ka nagtatawa?”
“Hindi ko iyon nakakalimutan ‘Ma. Hayaan mo at sa sunod na linggo ay ipakikilala ko sa’yo ang magiging manugang mo.”
Hindi makapaniwala si Lorena. Ngayong ipakikilala na sa kanya ay saka para namang ayaw niya. Ano ba itong nararamdaman niya? (Itutuloy)