Ganti (91)
“GUSTO ko nang makakita ng apo, Edel. Kailan mo ba ako bibigyan ng apo?”
Nagtawa lamang si Edel sa sinabi ni Lorena. Para bang hindi inintindi ang sinabi ng ina.
“Ano Edel, hindi ako nagbibiro. Gusto ko nang magkaapo. Bago man lang ako mawala rito ay makita ko ang aking mga apo.”
“Ma, matagal ka pang mabubuhay. Bata ka pa at malakas na malakas.”
“Hindi mo masisiguro ang buhay ng tao. Ngayon ay malakas pero mamaya lamang ay wala nang hininga.”
“Basta malakas ang pakiramdam ko na matagal kang mamamalagi rito sa mundo, ‘Ma.”
“E kailan ka mag-aasawa?”
“Gusto ko mayaman na mayaman ka muna bago ako mag-asawa. Tutuparin ko ang aking pangako sa’yo na pinakamayaman ka rito sa Nagcarlan. Ikaw ang nag-iisang babaing pinakamayaman dito.”
“Baka naman kapag sobrang yaman ko na e may magtangka sa buhay ko.”
“Huwag mong isipin yun ‘Ma. Ang isipin mo ay kung paano hahawakan ang pera mo. Dapat pagplanuhan mo kung saan mo ilalagay ang marami mong pera.”
“Ano pa bang balak mo Edel? Maunlad na ang ALING LORENA’S INASAL at ganundin ang mga meatshop. Patok na patok ang skinless natin. Pati ang balot-balot ay malakas. Ano pa ba Anak ang naiisip mo?”
“Pinag-iisipan ko ‘Ma na magbukas ng bookstore dito sa Nagcarlan. Kahapon, nag-ikot ako rito sa bayan at wala akong nakitang bookstore. Meron akong nakitang maliit na tindahan pero ang tinda lang ay mga cards at ilang gamit sa school. Pinag-aralan kong mabuti at palagay ko, magkiklik. Kasi ang mga tao ay sa San Pablo pa bumibili ng mga libro para sa school. Kung meron na ritong bookstore, hindi na kailangang magtungo sa city. Ano sa palagay mo, ‘Ma?”
“Wala akong masasabi dahil lahat ng binalak mo ay umunlad. At palagay ko nga etong naiisip mong bookstore e uunlad din.”
“Kailangan din kasi ’Ma na mayroong mabilhan ng mababasa ang mga tao. Sa pagre-research ko, maraming Pinoy ang gustong magbasa pero wala silang mabasa. Pauusuhin natin dito ay yung abot kayang mga libro. Para maabot ng mga karaniwang tao. Kadalasan kasi kaya walang bumibili ng libro ay dahil mahal.”
“Sige Anak, malaki ang tiwala ko sa’yo.”
“Dalawa na ang pagkain na ihahain natin ‘Ma. Isang pagkain para sa tiyan, at isang pagkain para sa ulo.”
“Aprub, Edel.”
“Kapag maunlad na ang negosyong ito, saka ako mag-aasawa.”
Kumislap ang mga mata ni Lorena sa narinig.
(Itutuloy)
- Latest
- Trending