SUMUNOD na school year ay nag-enrol sina Lea at Ara sa kolehiyo. Si Lea ay teacher at si Ara ay Food Technology. Si Lorena ang nagbayad ng tuition fee ng dalawa. Sa umaga ang klase ng dalawa at pagda-ting nila sa hapon ay saka naman sila magtatrabaho sa pabrika ni Lorena.
“Hindi ba kayo nahihirapan sa pagpasok, Lea, Ara?”
“Hindi po Ate. Isang sakay lang naman mula rito patungong San Pablo. Okey lang po kami.”
Ganundin naman ang sabi ni Ara.
“Kapag panahon ng exam ay huwag na muna kayong magdu-duty sa trabaho. Sabihin n’yo lang in-advance para ma-schedule.”
“Opo Ate.”
Lumipas ang isang semester at matataas ang grado ng dalawang estudyante. Hindi nagkamali si Lorena sa pagpapaaral sa dalawa. Mukhang may magandang mararating ang dalawa. Nakikita ni Lorena kung paano magsikap ang mga ito sa pag-aaral. Ang mga ganitong estudyante ang dapat na pinag-aaral. Ito rin ang madalas niyang sabihin sa mga nanay na empleado niya. Dapat gabayan nila ang mga anak sa pag-aaral. Meron kasing mga bata na kapag walang nagtuturo ay tatamarin na hanggang sa huminto na. At kapag huminto, iyon na ang katapusan ng career. Walang matatapos hanggang sa maging kawawa ang buhay. Hanggang pati ang mga anak ay ganundin ang sasapitin --- mga walang natapos sa pag-aaral.
Kaya nga madalas niyang payuhan ang kanyang mga worker na mga nanay na laging paaalalahanan ang mga anak na magsikap na makatapos upang magkaroon nang magandang kinabukasan. Hindi dapat bumagsak sa pagiging trabahador lamang o kaya ay utusan lamang. Ginawang halimbawa ni Lorena ang mga babaing lumuluwas ng Maynila para magpaalila at ang kinahahatungan ay ang pang-aabuso. Hindi na niya binanggit ang tungkol sa pito na kanyang “naisalba” sa malupit na amo.
Kahit paano, ang mga paalala ni Lorena sa mga nanay ay nakapagbukas din ng isipan sapagkat, halos lahat ng mga anak ng mga ito ay nakapagtapos din sa kolehiyo. Malaking tulong din ang pagtatrabaho sa kanya ng mga nanay sapagkat nakapagpaaral ng mga anak sa kolehiyo. Bagamat may mga trabaho rin ang mga asa-asawa ng mga ito, hindi maikakaila na malaki ang nagawang tulong mula nang magtrabaho sa kanyang pabrika ng pagkain.
Pero hindi pa rin kumpleto ang kaligayahan ni Lorena kahit na nakita niyang ang lima sa kanyang mga naisalba ay may kanya-kanya nang direksiyon na tinatahak. Ito ay sapagkat wala pa siyang nakikitang pagbabago kina Angela at Kelly.
Kakausapin niya ang dalawa tungkol dito. Ayaw niya na mapag-iwanan ang dalawa. Gusto niya, mayroon ding maabot ang mga ito. (Itutuloy)