BABAE ang anak ni Pau. Mabilis lang siyang nanganak. At nagawa nga niya.
Tuwang-tuwa naman sina Lyra at mga kasamang babae nang makita sa nursery ang isinilang ni Pau. Napaka-cute.
“Kahit baby pa lang nakikita nang maganda paglaki,” sabi ni Lyra.
“Oo nga. Kamukha nga ni Pau. Puwedeng artista yan paglaki,” sabi ni Lea.
“Singkit ano? Baka kamukha ni Kim yan,” sabi ni Ara.
“Sinong Kim? Kim Atienza?” tanong ni Lyra.
“Kim Chiu, yung artista kapartner ni Gerald.”
Nagtawanan.
Nang masilip ni Lorena ang baby ni Pau ay nakadama siya ng kasiyahan. Paano’y nailuwal na rin ang sanggol na noon pa ay pinuproblema na ni Pau. Minsan, sabi ni Pau, hindi na niya alam ang gagawin sa buhay. Pero dahil lagi niyang pinapayuhan, naging positibo ang pananaw.
Sa pagkakatitig ni Lorena sa sanggol ay hindi maikakaila na ang nananalaytay ay dugo mula sa Intsik. Bukod sa singkit na mata, nakuha rin ang kulay at makinis na kutis. Naisip din ni Lorena, kung hindi niya napagpayuhan si Pau, may balak sana itong masama sa sanggol na nasa sinapupunan noon. Gusto nitong ilaglag. Matindi ang galit na nadama sa among Intsik na gumahasa sa kanya.
Nang ilabas si Pau at ang sanggol ay parang piyesta sa bahay ni Lorena. Tuwang-tuwa sina Lyra, Lea, Ara, Kelly, Angela at maging si Encar. Halos ayaw nang bitiwan ang sanggol.
“Ano nga palang ipapangalan sa baby?” tanong ni Lyra.
“Oo nga anong ipapa-ngalan sa cute na baby?”
“Bahala si Pau dyan,” sabi ni Lea.
Subalit sinabi ni Pau na si Ate Lorena na niya ang pumili ng pangalan ng baby. Meron na raw itong pinili at iyon ang nilista sa form sa ospital.
“Felisa ang name niya,” sabi ni Lorena na noon ay nasa may pintuan.
“Ay ang ganda naman. Felis ang nickname?”
“Oo.”
Makalipas ang ilang buwan ay si Encar naman ang nanganak. Gabi nang sumakit ang tiyan ni Encar.
Isinugod siya sa ospital na pinagdalhan din kay Pau.
Katulad ni Pau, madali ring nanganak si Encar.
Excited naman sina Lyra at mga kasama sa itsura ng sanggol na iniluwal ni Encar. Lalaki ang isinilang ni Encar. (Itutuloy)