ANG tinatamasang pag-unlad ng kanyang negosyo ang kapalit ng mga ginawa ni Lorena sa mga babaing “isinalba” niya. Hindi siya maaaring magkamali. Siya ang ginamit ng Diyos para mailigtas ang mga babae sa malupit at hayok sa laman na amo.
At naisip ni Lorena, paano kaya kung hindi niya pinagsikapang mailigtas ang mga babae sa malupit na amo? Siguradong naghihirap ang mga ito ngayon. Bawat pagkakamali nila ay may katapat na pananakit mula sa among babae. At sigurado rin na baka ang lahat ng babae ay “tikman” ng Intsik at kapag buntis na ay saka palalayasin. Ipagtatabuyan gaya ng ginawa sa kanya noon. Pagkaraan siyang buntisin ay siya pa ang pinagbintangang “nang-aakit” sa manyakis na among lalaki. Ganun ang ginawa sa kanya ng among babae. Grabeng sakit ang dinanas niya. Mabuti na lang at hindi nalaglag ang sanggol na dinadala niya. Mabuti na lang at mahusay kumapit ang anak niya. Kung hindi, wala siyang Edel na nag-iisip ng negosyo ngayon. Kung nalaglag si Edel, wala sanang magsasabi sa kanya ng mga gagawin para maging matagumay ang negosyo. Hindi sana siya mayaman kagaya nang nararanasan niya ngayon.
Sa huli, naisip ni Lorena, ang lahat ng mga nangyayari sa kanya ay kagustuhan ng Diyos. Kailangang matupad ang lahat ng gustong mangyari ng Diyos. Walang makakatututol doon.
Napangiti si Lorena. Akalain ba niyang malampasan niya ang lahat. At ang pinakamatinding nagawa niya ay nang mailigtas ang mga tindera sa kamay ng mga malulupit na amo. Napapailing siya sapagkat hindi niya lubos-maisip kung paano niya naisagawa ang mga iyon. Basta ang alam niya, may nag-uutos sa kanya na gawin iyon. At nagawa nga niya.
Lumipas pa ang mga buwan. Hanggang sa isang gabi ay bigla silang nagkagulo.
“Ate Lorena, si Pau po manganganak na yata!”
Kumilos lahat para maihatid sa ospital si Pau. Tanging si Encar ang hindi makakilos sapagkat malapit na rin siyang manganak.
(Itutuloy)