Ganti (44)
NAG-ISIP ng paraan si Lorena kung paano makukuha si Pau sa manyakis na Intsik. Ngayong nasimulan na niya ang pag-rescue sa mga kawawang babae, itutuloy-tuloy na niya. Bahala na. Nakuha na niya si Lea at malakas ang kanyang paniwala na makukuha rin si Pau at si Ara at maski ang iba pa. Hanggang sa mawalan na ng tauhan ang dalawang malupit na Intsik.
“Ako na lang ang luluwas ng Maynila para kunin si Pau,” sabi niya kay Lea.
“Makakaya mo Mam Lory?”
“Marami na akong napagdaanang hirap, Lea kaya makakaya kong kunin si Pau.”
“Mas maganda po siguro Mam Lory ay palipasin muna natin ng ilang araw para hindi makahalata ang mga amo namin.”
“Hindi naman nila ako makikilala, Lea.”
“Kasi po baka naghihinala na ang mga hayop naming amo. Lahat ay kanilang pagbibintangan.”
“Ako ang bahala, Lea. Kaya kong pa-ngalagaan ang sarili.”
“Salamat po at nai-ligtas mo ako, Mam. Gusto ko sana lahat ng mga kasama ko, mai-ligtas mo para sama-sama na kami rito.”
“Iyan ang gagawin ko, Lea. Dito na kayo magtatrabaho sa akin. Yun nga lang, malayo ito sa Maynila. Handa ka bang magtiis dito?”
“Mam, noon pa ako handa. Basta sasama ako sa’yo kahit saan mo dalhin. Ang dasal ko noon, makalaya na sa impiyernong bahay na ‘yun.”
“Salamat naman at handa kang magtiis dito sa amin. Dito, siguradong ligtas ka.”
Nagplano na si Lorena sa pagbalik sa Binondo kinabukasan. May mga binigay na tip naman si Lea ukol sa among lalaki. Matagal itong gumamit ng CR. Kadalasan ay walang umuupo sa kaha dahil ang asawang babae ay nasa kabilang tindahan. Maaari raw samantalahin ni Lorena ang pagkakataon na maitakas si Pau habang nasa CR ang among lalaki.
“Mabuti at sinabi mo Lea. Magpapanggap akong kustomer para makapasok sa loob.”
Lumuwas na ng Maynila si Lorena. Hindi na siya umarkila ng sasakyan. Bahala na. Malakas na ang loob niya.
(Itutuloy)
- Latest
- Trending