MAG-AALAS DOSE na nang makarating sa Nagcarlan sina Lorena. Si Lea ay bakas pa rin ang takot sa nangyaring pagtakas sa amo. Pero pinayapa siya ni Lorena. Pilit na inalis ang paninisi sa sarili at hindi niya natulungan si Pau nang mahuli ito ng amo.
“Huwag mong sisihin ang sarili. Hayaan mo at maililigtas din natin si Pau. Maghihintay lang tayo ng tamang pagkakataon.”
“Naaawa po kasi ako kay Pau, Mam Lory.”
“Ako man. Kaya nga kayong dalawa ang aking inuunang alisin doon.”
“Masama po ang naii-sip ko, Mam Lory. Baka po kung ano na ang ginawa ng amo kong lalaki kay Pau. Yun pong amo namin ay manyakis.”
“Alam ko?”
Napatitig si Lea kay Lorena.
“Paano mo po nalaman?”
Gusto nang ipagtapat ni Lorena ang nakaraan niya pero pinigil niya. Hindi pa panahon para isiwalat ang pinagdaanan niya.
“Sinabi sa akin ni Ara.”
“Ano pa po ang sinabi ni Ara?”
“Siya man daw ay nakaranas ng panghihipo sa amo n’yong lalaki.”
“Totoo po yun, Mam Lory. Pati po ako. Minsan po kapag natiyempuhan akong nag-iisa ay hinahawakan ang suso ko. Hindi po ako makapagsalita sa takot.”
Hayop talaga! Nasabi ni Lorena sa sarili. Hindi lamang pala si Ara kundi pati itong si Lea.
“At ang ikinatatakot ko Mam Lory baka ginagaha-sa na si Pau.”
“Iyan ang aking naiisip habang nasa van tayo at patungo rito.”
“At palagay ko po, matagal na ngang may ginagawa kay Pau. Ayaw lang magsalita ni Pau. Katulad ko rin na natatakot. At kaya lang naman lumakas ang loob ko na tumakas ay dahil alam kong tutulungan mo kami Mam Lory.”
“Alam mo bang bigung-bigo ako nang makita na hindi mo kasama si Pau kagabi. Inaasahan ko, maitatakas ko na kayo sa demonyo.”
“Paano po ang gagawin natin Mam Lory?”
“Iniisip ko pa, Lea. Siguro sa mga oras na ito ay nag-iisip na kung paano maghihigpit ang mga demonyo mong amo. Palagay ko babantayan na sina Ara at mas lalo si Pau.”
“Sigurado po, Mam Lory. Ikakandado na sa gabi ang kuwarto nina Ara.” (Itutuloy)