ISANG van ang inarkila ni Lorena patungong Maynila kinabukasan. Ang plano niya, oorder ng panindang fishballs sa dakong hapon at kapag sumapit na ang dilim ay saka magtutungo sa tindahan sa Soler. Ang usapan nila ni Lea, magkikita sila sa kanto ng Soler at Abad Santos ng alas diyes ng gabi. Plantsado na ang plano niya kina Lea at Pau. Kapag naalis niya ang mga ito sa malupit at manyakis na amo, si Ara naman at ang iba pa ang kukunin niya. Isa-isang mawawala ang mga tindera ng mag-asawang Intsik at doon magsisimula ang kalbaryo nila. Apektado ang negosyo nila. Mapipilay sigurado sila. Sino ang mag-iistima sa maraming customer. Kapag nainis ang mga customer, lilipat sa iba. Babagsak sila! Babagsak ang mga umapi sa kanya!
Napangiti si Lorena sa kanyang mga naisip. At iyon ang mangyayari. Makakaganti na siya. Makakamit na niya ang inaasam na hustisya.
Nang mga sandali namang iyon ay abala si Lea sa mga customer. Si Pau naman ay mayroong binubuksang mga kahon. Nasa di-kalayuan ang among Intsik at pinagmamasdan ang mga customer na labas-masok. Malakas ang negosyo. Kung gaano kalakas ang unang tindahan, ganito rin sa ikalawa. Kaya pagod na pagod sina Lea at Pau.
Nang mapagawi si Pau sa puwesto ni Lea ay nagkatinginan sila. Sinamantala na iyon ni Lea. Mahina lang ang pagkakasabi niya.
‘‘Mamayang gabi aalis na tayo. Huwag ka nang tatanggi, Pau. Kapag hindi pa tayo umalis mamaya, baka hindi na tayo makaalis dito.’’
‘‘Natatakot ako Lea. Baka mahuli tayo ng amo natin.”
“Yan ka na naman. Kung ikaw ay hindi desidido, ako ay patay kung patay na mamaya. Sasama ako kay Mam Lory. Kung sasama ka, sa kanto ng Soler at Abad Santos magkikita. Mga alas-diyes ng gabi.”
Bantulot si Pau. Hindi malaman ang isasagot.
‘‘Inihanda mo na ba ang damit mo?’’
“Oo. Dadamputin ko na lang.’’
“’Yun naman pala. Sige mamaya, pagpatak ng alas diyes, kanya-kanya tayong labas ng tindahang ito. Bahala kang gumawa ng diskarte mo, Pau. Mahirap kasi kung kailan tayo aalis e saka mag-uusap. Basta malinaw ang usapan na mamaya e tuloy ang pag-alis natin sa impiyernong ito.”
“Oo sige.”
“Di ba alas-nuwebe natutulog ang amo nating lalaki.”
“Oo.”
“Tamang-tama na naghihilik ang hayup habang tayo ay paalis. Magigising siya bukas ng umaga na wala na tayo.” (Itutuloy)