“ANONG ibig mong sabihin na wala na? Umalis na sila rito,” tanong ni Lorena sa tindera.
“Ano po nilipat daw po sa branch sa Soler.”
Nakahinga nang maluwag si Lorena. Akala niya lumayas ang dalawa.
“Saan dun?”
Sinabi ng tindera.
“Yung tinda run, katulad din dito?” tanong niya.
“Opo Mam. Mas marami pa nga raw po kaysa rito. Kasi bago ang tindahan.”
“Ilan silang tindera roon?”
“Dalawa lang po sila at isang delivery boy.”
Gustong itanong ni Lorena kung sino ang cashier pero baka maghinala na ang tindera.
“Pero dito ka na po mag-order, Mam. Mas malapit dito. Hindi ka na maglala-kad. Matrapik din po roon sa Soler.”
“Ah oo. Sige oorder ako nang maraming fishballs at kikiam. Kailangang-kaila-ngan ko na kasi. Mayroon din akong tindahan sa probinsiya.”
“Ah kaya po pala ang dami n’yong binibili. Noon ko pa po kayo napapansin, Mam. Si Lea po ang nag-aasikaso sa order n’yo.”
“Oo kaya nga nagulat ako ng sabihin mong wala na. Akala ko, lumayas na.”
“Nasabi po nga sa akin ni Lea na gusto na niyang umalis dito. Ako man po Mam, gusto ko ring umalis. Kasi po hindi po kami regular na sinusuwelduhan. Nagti-tiis lang po ako dito pero kung makakahanap ako ng ibang trabaho aalis ako rito.”
Naawa si Lorena sa tindera. Katulad din ng pagkaawang nadama niya kay Lea at Pau.
“Nasaan ang mga magulang mo?”
“Nasa probinsiya po. Wala nga po akong maipadala sa kanila. Maysakit pa ang nanay ko.”
“Malupit ang amo n’yo ano?”
Sumulyap muna ang tindera sa among babae na nasa kaha.
“Sobrang lupit po Mam. Lahat kami rito nakatikim na ng lupit niya. Kaunting pagkakamali lang, nakasampal na.”
“Yung amo mong lalaki, anong ugali?”
Sumulyap muna sa kaha ang tindera.
“Manyakis po. Kapag nakakita po ng tiyempo kahit sino sa amin e nanghihipo. Idinadaos po ang kamanyakan. Ilang beses na po akong nahipuan ng manyakis naming amo.”
May bulkan na naman na gustong pumutok sa dibdib ni Lorena. Pati pala ang tinderang ito ay biktima rin.
“Sige ihanda mo na ang order ko. Siyanga pala anong name mo?”
“Ara po.”
“Ang amo mong lalaki ang nasa kabilang tindahan, Ara?”
“Opo. Siya ang nasa kaha roon.”
“E di delikado si Lea at Pau dahil malayang magagawa ang gusto sa ka-nila roon?”
“Lahat po kami ay ‘yan ang iniisip. Kawawa naman ang dalawa.”(Itutuloy)