MAY itatanong pa sana si Lorena kay Lea pero tinawag ito ng isang kasamang tindera.
“Pinatatawag ka ni Amo, Lea.”
Nataranta si Lea.
“Sandali lang Mam Lory.”
Naiwan si Lorena. Nagmasid-masid at nakiramdam. Maraming tanong sa kanyang isip. Ano ka-yang dahilan at tinawag ni Amo si Lea. Baka may kaugnayan kanina. Baka tungkol kay Pau. Ano na kaya ang nangyayari kay Pau sa second floor? Baka sinasaktan ng among babae. Baka katulad ng ginawa sa kanya noon na minaltrato nang todo. Baka pinatuluan ng kandila sa mga kamay. Baka hinampas ng walis na tambo. Baka sinampal.
Nakita niyang papala- pit si Lea.
“Mam Lory, nakaprepared na po ang order ninyong fishball, calamares at kikiam. Eto po ang kuwenta. Ito pala ang dahilan kaya ako tinawag ni Amo.”
Tiningnan ni Lorena kung magkano ang total na babayaran. Saka dumukot ng pera sa bag. Iniabot kay Lea. Umalis na si Lea.
Palakad-lakad lang si Lorena. Inaabangan niya kung bababa na si Pau. Gusto niyang malaman kung ano ang nangyari kay Pau. Malakas ang kutob niya na may nangyari kay Pau. Kung ano ang nangyari sa kanya noon sa loob ng banyo ay ganoon din ang nangyari kay Pau. Pinagsamantalahan na ang kawawang si Pau ng hayok na amo!
Nakita ni Lorena ang pagkaway ni Lea na ang ibig sabihin ay nakahanda na ang mga kargamento niya. Isasakay na lang sa taxi. Lumabas siya ng tindahan at nagtungo sa harapan.
“Eto na po Mam Lory ang mga paninda n’yo.”
“Salamat. Yung sinabi ko sa’yo kanina, totoo yun. Ihahanap kita ng trabaho kapag nalaman mo ang nangyari kay Pau.”
“Bakit po Mam Lory.”
“Kasi kutob ko, may nangyari kay Pau habang nasa second floor. Basta iyon ang aking vibration. Kawawa si Pau kaya kanina inutusan kita, Lea.”
Nakatitig sa kanya si Lea.
“Mam Lory, sino ka po ba?”
“Nagmamalasakit lang ako, Lea. Naaawa ako sa katulad n’yo. Nararamdaman ko ang mga nararamdaman ninyo.”
Lalo nang napatitig nang makahulugan si Lea kay Lorena. Hindi niya malaman kung ano ang sasabihin kay Lorena. Nahihiwagaan siya sa babaing kaharap.
“Basta ang pangako ko sa’yo ihahanap kita ng trabaho, Lea at pati si Pau. Basta pakiramdaman mo ang nangyayari sa kanya. Sabihin mo sa akin kung ano ang mga ipagtatapat niya.”
“Opo Mam Lory.”
“Ibigay mo sa akin ang number ng cell phone mo. Meron ka bang cell phone?”
“Wala po. Meron dati pero kinuha ng amo na-ming babae.”
Nagngitngit si Lorena.
“Sige ibigay ko na lang sa’yo ang cell number ko. In case mabuti nang alam mo ito.”
Ibinigay ang number.
Nagpaalam na si Lo-rena. (Itutuloy)