PAGKALIPAS ng isang linggo ay nagbalik sa Binondo si Lorena. Kaila-ngan siyang bumalik dahil sold-out ang lahat ng kanyang panindang fish balls at kikiam. Kulang pa nga sa dami ng bumibili. At isa pa, interesado siya sa mga tindera ng dating amo lalo pa kay Pau. Pakiramdam niya, nasa panganib si Pau sa among lalaki. May masamang tangka ang amo. Hindi lang natuloy dahil nagkataong naroon ang anak. Kung wala ang anak, baka nagahasa na ito. Ka-tulad ng ginawa sa kanya ng manyakis na amo.
Nang makita siya ng tinderang si Lea ay agad siyang nilapitan. Gaya ng dati, may suot na salaming de-kulay si Lorena. Iyon ay para hindi siya makilala ng mga dating amo. Mahaba rin ang manggas ng kanyang damit upang hindi makita ang kanyang mga pangit na peklat sa braso at kamay.
“Akala ko po hindi ka dara-ting Mam Lory,” sabi ni Lea.
“Wala na akong panindang fish balls. Marami na ang nagtatanong.”
“Damihan mo na ang order Mam. Talaga pong mabenta ang fishballs. Pati po ang calamares, marami na rin ang nag-oorder.”
‘‘Sige bigyan mo ako nang maraming fishballs, kikiam at calamares. Triplehhin mo ang dati kong inuorder.’’
“Ay ang dami nun! Sige po Mam. Maupo ka muna rito.”
Aalis na sana si Lea nang biglang may maalala.
“Mam Lory, wala ka bang alam na nangangailangan ng tindera. Gusto ko nang umalis dito.”
“Hayaan mo at itata-nong ko sa kakilala kong may tindahan. Magtiis-tiis ka muna rito.”
“Salamat Mam. Kasi po kawawa talaga kami rito.”
“Yung kasamahan mong si Pau, nasaan?”
“Si Pau?” Luminga-linga si Lea para hanapin si Pau. Hindi makita.
‘‘Ah baka po inutusan. Si Pau po ang paboritong utusan eh.”
“Ang amo mong lalaki, nasaan?”
“Nasa itaas pa po at nagmemeryenda. Tuwing ganitong oras po ay umaakyat yun at kumakain. Tingnan mo Mam Lory at ang nasa kaha ay ang among babae.”
Kinabahan naman si Lorena. Hindi kaya may masamang ginagawa ang among lalaki kay Pau sa mga oras na ito. Sinasamantala na ang asawa ay nasa kaha at saka sasalisi. Ganoon ang ginawa ng hayup na amo sa kanya. Sumalisi at saka siya niluray sa banyo.
Bigla, may naisip si Lorena.
“Lea, meron akong ibi-bigay kay Pau. Hanapin mo naman siya. Baka nasa second floor. Mahalaga lang.”
Atubili si Lea.
“Pangako ko sa’yo ihahanap kita ng trabaho…”
Nagliwanag ang mukha ni Lea.
“Saglit po, Mam Lory at hahanapin ko sa second floor. (Itutuloy)