“HINDI pa po kami sumusuweldo. Pinababale lang. Kaya wala akong maipadala sa aking mga magulang.”
Naawa si Lorena kay Lea. Nakita niya ang sarili sa tindera. Noon ay hindi rin siya pinasasahod. Masuwerte si Lea at pinababa- le pa.
“Yung isa mong kasamahan ay nakita kong umiiyak kanina.”
“Sino po?”
“Yung maganda pero maliit.”
“Ah si Pau po.”
“Nakita ko kanina na nagsusumbong sa isa mo pang kasamahan. Sinaktan daw siya ng among babae.”
Hindi agad nakapagsalita si Lea. Luminga-linga muna. Sinigurong walang makakarinig.
“Hayop po ang amo naming babae!” sabi ni Lea na ang ekspresyon ay tila gigil na gigil.
“Sinaktan ka rin?”
“Opo.”
“Paano?”
“Nagkamali lang po ako ng label sa crabmeat balls. Kinurot ako sa tagiliran. Nagsugat po.”
Napatimbagang si Lorena. Masahol pa roon ang natikman niya sa among babae.
“Ilang beses na po akong sinaktan ng amo naming babae. Basta nagkamali, katapat niyon ay parusa. Kapag sumagot-sagot pa sa kanya, lalo nang masasaktan.”
“Bakit nagtitiis pa kayo riyan?”
“Saan naman po kami pupunta? Wala pong naghihintay sa aming probinsya, Mam Lory. Mahirap din ang buhay…”
Nakita na naman ni Lorena ang pinagdaanang buhay. Siya man ay hindi makaalis sa impiyernong bahay na iyon dahil walang mapupuntahan.
“Pero po kung meron lang akong malilipatan, aalis na ako rito. Baka po meron kang alam, Mam Lory.”
Hindi na nakasagot si Lorena kay Lea, dahil tinawag na ito ng isang kasamahan. Hinahanap na raw ng malupit na among babae.
“Babalik ka po, Mam Lory?” tanong nito.
“Oo. Babalik ako rito.”
(Itutuloy)